:::

Nabubuhay bilang Isang Ainu - Ang Pagtuturo ni Lola at ang Mensaheng Nais Ipaabot ng Museo

Akemi Oshino

Dalubhasa sa kultura ng Ainu sa rehiyong Mukawa, Hokkaido, si Akemi Oshino ay dating tagapagsaliksik sa National Ainu Museum at kasalukuyang tagapamahala sa mga programang edukasyon at pagdaranas sa UPOPOY: National Ainu Museum and Park. Bilang espesyalista sa kultura ng Ainu, ipinapakilala ni Oshino ang kultura ng Ainu at mga tradisyonal na pagtatanghal sa mga bisita sa museo at naglilingkod bilang pinuno ng tradisyonal na Kotan (isang tradisyunal na komunidad). Hindi lamang bihasa si Akemi sa tradisyonal na sining ng Ainu, siya rin ay isang sertipikadong tagapagturo ng Esashi Oiwake (mga katutubong kanta sa Esashi).
 

Tungkol sa UPOPOY: National Ainu Museum and Park

Itinatag noong 2020, ang UPOPOY ay isang lugar para sa pag-aaral at pagpapalaganap ng kasaysayan at kultura ng Ainu, isang base para sa pamanang kultura, muling pagkabuhay, at paglikha ng kultura ng Ainu. Itinatag ang UPOPOY: National Ainu Museum and Park ayon sa paggalang sa dignidad ng mga katutubong tao at bumuo ng isang walang diskriminasyon, makatarungan at maunlad na lipunan. Saklaw ng UPOPOY ang National Ainu Museum, National Ainu Park at ang Memorial Site. Mayroong Field Museum sa National Park, kasama ang mga pasilidad kung saan maipapakita ang kultura sa Exchange Hall, Workshop, Craft Studio at mga kabuhayan sa Kotan. May mga iba’t ibang disenyo sa pag-unawa sa kasaysayan, kultura, kasuotan, pagkain, tirahan, transportasyon, sining at iba pang gawain.

May 150 taon nang nagsimulang nagpasulong ng kultura ang mga Ainu sa Shiraoi, Hokkaido na kinaroroonan ng UPOPOY ngayon. Sinimulan sa may 1960’s ang pagsasaayos sa Poroto Kotan. Nagbukas ang Ainu Museum sa taon 1984. Nagsara rin itong pribadong museo sa 2018. Matapos ang pagsasama ng Foundation for Research and Promotion of Ainu Culture at ng Ainu Museum Foundation, isang pangkalahatang pundasyon na nagpapatakbo ng Poroto Kotan, naging pambansang organisasyon noong 2020, nagbukas ng UPOPOY, at naging kasalukuyang operating system.


 

Nabubuhay bilang Isang Ainu - Ang Pagtuturo ni Lola at ang Mensaheng Nais Ipaabot ng Museo

Ang Aking Pinanggalingan

Ipinanganak ako noong 1985 sa Mukawa, timog ng Hokkaido sa Japan. Isang Ainu ang aking ina, ngunit si Tatay ay hindi. May mga kapatid akong mas matanda sa akin at isang kakambal kong babaeng kapatid.

Ang aking pinagmulang pamilya ay nakatira sa lupaing tirahan ng mga ninuno ng aking ina. Mula nang ako’y bata pa, malaki ang impluwensiya ng aking lola sa akin at sa kakambal kong kapatid na babae, at kami’y nakilala sa kulturang Ainu sa Mukawa.

Masasabing iisa ang aming isip at katawan ng aking kakambal na kapatid,  nag-aral kami ng kultura at naranasan ang kasiyahan ant mga pagsubok ng isang pagiging Ainu. Sa paksang “Buhay bilang Isang Ainu”, hindi maaaring hindi banggitin ang aking kapatid na babae.

Tradisyonal na Kotan kung saan ipinapaliwanag ng may-akda ang kultura © The Foundation for Ainu Culture

Tradisyonal na Kotan kung saan ipinapaliwanag ng may-akda ang kultura © The Foundation for Ainu Culture

Ang Aking Trabaho

Kasalukuyan akong nagtratrabaho sa UPOPOY: National Ainu Museum and Park bilang cultural specialist ng The Foundation for Ainu Culture. Ang UPOPOY ay isang institusyong pangkultura sa Shiraoi, Hokkaido at ang unang pambansang  institusyon na nagpapakilala sa kultura ng Ainu.

Ang layunin ng pagtatatag ng UPOPOY ay magsilbing "base para sa muling pagkabuhay at paglikha ng kultura ng Ainu" at ito rin ay "simbolo ng pagtingin sa hinaharap, paggalang sa dignidad ng mga taong katutubo, pagbuo ng isang lipunang walang diskriminasyon, kakaiba, masagana at dinamiko" (mula sa UPOPOY website). Nasa loob ng UPOPOY ang National Ainu Museum at National Ainu Park. Ang “park”na ito ay isang open-air na museo at dito makakaranas ng tanawin ng pamumuhay sa Kotan (Traditional Village) sa Cultural Exchange Hall, Workshop at sa Crafts Studio kung saan iba’t ibang mga pag-aaral ukol sa kasaysayan, kultura, kasuotan, pagkain, tirahan, transportasyon, sining at iba pang gawain ng tribong Ainu.

Nagbukas sa publiko ang UPOPOY noong taong 2020. Matapos ang maraming taon ng pagsisikap, nakilala ang Ainu bilang “mga katutubo”sa ilalim ng batas ng Japan. Subalit tatatlong taon pa lamang ang nakakaraan mula nang itatag ang UPOPOY, bagaman mayroon nang sariling museo (The Ainu Museum)ang mga Ainu sa Shiraoi. Harap nito ay ang lawa ng Poroto, kaya’t ito’y tinawag na “Poroto Kotan” (ang kotan ay nangangahulugang bayan o nayon). Maraming lugar sa Hokkaido mayroong mga katulad na museo o pasyalan ang naghahayag ng kulturang Ainu, ngunit ang Shiraoi ay pinili na maging lokasyon ng pambansang pasilidad. Noong taon 2018, nagbuklod ang pambansang institusyon na Foundation for Research and Promotion of Ainu Culture at ang pribadong Ainu Museum Foundation (na namamahala sa Poroto Kotan) na naging kasalukuyang sistema ng operasyon ng UPOPOY.

Noong Abril 2013, nagsimula akong magtrabaho sa Ainu Museum Foundation bago ito nakipagbuklod. Ang kasalukuyan kong trabaho sa UPOPOY ay magbigay ng pagkakataon sa mga mga bisita na maranasan ang dating pamumuhay sa “Kotan”at  ipaliwanag ang tradisyonal na buhay at sining ng tribong Ainu.

Mapa ng UPOPOY: National Ainu Museum & Park © The Foundation for Ainu Culture / Larawan

Mapa ng UPOPOY: National Ainu Museum & Park © The Foundation for Ainu Culture / Larawan

Tradisyonal na Kotan

Tradisyonal na Kotan

Ang Pambansang Museo ng Ainu at ang Permanenteng Silid-Pammahayag © National Ainu Museum

Ang Pambansang Museo ng Ainu at ang Permanenteng Silid-Pammahayag © National Ainu Museum

Ang Pambansang Museo ng Ainu at ang Permanenteng Silid-Pammahayag © National Ainu Museum

Ang Pambansang Museo ng Ainu at ang Permanenteng Silid-Pammahayag © National Ainu Museum

Pamumuhay bilang Isang Ainu – Ang Pinagsimulan

Ako'y nagkaruon ng inspirasyon na buhayin at ipakilala ang kultura ng Ainu dahil sa aking lola. Namatay ang aking ama noong ako'y limang taon gulang pa lamang, kaya mula noon, kasama ko si lola sa loob ng napakahabang panahon.

Ang aking Lola ay ipinanganak noong 1926, at bago siya magpito, siya ay naninirahan sa mga tradisyonal na bahay ng Ainu na tinatawag na "cise" (ang "cise" ay nangangahulugang "tahanan" sa wika ng Ainu). Ang iba't ibang mga rehiyon ay may kanikaniyang paggawa ng cise gamit ang iba't ibang mga materyales, at ang cise ng aking Lola ay yari sa kawayan. Parehong nagpapalitan ng wika ng Ainu ang mga magulang ng aking Lola, o ang mga lolo't lola ko, sa kanilang tahanan araw-araw, kaya't natural na natutunan ng aking Lola ang wika ng Ainu.

Sa panahon na kasama ko ang aking Lola, itinuro niya sa akin at sa aking kakambal na kapatid ang mga salitang Ainu, mga kanta, at sayaw ng Ainu na kanyang natandaan. Ikinuwento niya rin sa amin ang mga pagdurusang naranasan ng mga taong Ainu at mga pananaw ng Ainu sa mundo na kanyang minana mula sa kanyang sariling magulang.

Ako at ang aking Lola (na namatay noong 2022) Larawan: bigay ng may-akda

Ako at ang aking Lola (na namatay noong 2022) Larawan: bigay ng may-akda

Ang tradisyonal cise (bahay) ng Ainu na makikita sa UPOPOY Larawan: bigay ng may-akda

Ang tradisyonal cise (bahay) ng Ainu na makikita sa UPOPOY Larawan: bigay ng may-akda

Nabubuhay bilang Isang Ainu — Pamana

Sa pamamagitan ng pagturo ng kanta at sayaw sa aming magkapatid, ipinasa ni Lola ang kanyang minanang kultura ng Ainu.

Halimbawa, tinutukoy ng mga Ainu ang buong kalikasan bilang "kamuy." Ang kamuy ay isang diyos o entidad na kinakatawan ang hindi lamang ang mabuti kundi pati na rin ang masama. Halimbawa, ang apoy ay tinatawag na ape huci kamuy, isang iginagalang na matandang babaeng kamuy sa ating paligid. Kinakailangan mong magdasal kay ape huci kamuy kapag mayroon kang naisin, at ang ape huci kamuy ay magdadala ng mga dasal ng tao sa iba't ibang kamuy. Ang ilang estilo ng pagkukwento na isinasalaysay sa pamamagitan ng pag-awit, na kilala bilang “oral literature”,, ay tinatawag na na "yukar” sa wika ng Ainu. Ang mga yukar na isinalaysay sa amin ng aming lola, kung saan si ape huci kamuy ang pangunahing tauhan, ay minana niya mula sa kanyang lola. Sinabi sa amin ng aming lola na ang aming mga ninuno ay nag-aral ng karunungan at moralidad mula sa daan-daang iba't ibang yukar na ipinasa sa mga sumunod na henerasyon.

Lahat ng mga hayop, halaman, karagatan, tubig, bundok - ang lahat sa kalikasan - ay itinuturing na kamuy. Ang masamang kamuy na tinatawag na "payoka kamuy" ay nagdadala ng sakit, tulad ng modernong Coronavirus na nagdulot ng pandemya sa buong mundo. Itinuro rin sa amin ng aming lola ang mga dasal at sayaw na ginagamit upang itaboy ang mga sakit.

Mula noon, kami ay nagpakilala ng maraming kuwento, mga awit sa pagtulog, at mga kantang Ainu sa maraming okasyon tulad ng mga pagtitipon na inilalaan para sa pagpapalaganap at pagpapalakas ng kultura ng Ainu. Ang mga liriko sa Ainu, ang kahulugan nito, at mga paraan ng pagpapahayag ay masusing ipinasa lahat sa amin bilang mahigpit na tagubilin ng aming lola.

Bukod sa mga awit at mga kwento, itinatangi rin ng aming lola ang kanyang "tamasay," isang kuwintas na isinusuot ng mga babae ng Ainu sa mga espesyal na okasyon. Sinabi ng aming lola na ang tamasay ay ibinigay sa kanya noong siya ay nasa kanyang mga dalawampu, isang regalo mula sa kanyang siyamnapung-taong gulang na lola. Kami ng aking kambal na kapatid ang nagmana ng mahalagang pamanang ito, at ito ngayon ay ipinapakita sa UPOPOY. Maaring makita ang tamasay sa interactive exhibit, Tempa Tempa, na matatagpuan sa Permanent Exhibition Room sa Pambansang Museo ng Ainu.

Ang tamasay na pamana sa may-akda na matatagpuan sa interactive exhibit sa Tempa Tempa © Pambansang Museo ng Ainu

Ang tamasay na pamana sa may-akda na matatagpuan sa interactive exhibit sa Tempa Tempa © Pambansang Museo ng Ainu

Ang interactive exhibit, Tempa Tema © Pambansang Museo ng Ainu

Ang interactive exhibit, Tempa Tema © Pambansang Museo ng Ainu

Nabubuhay bilang Isang Ainu – Pagpapanatili ng Kultura

Ang Ainu Museum kung saan ako nagtrabaho mula 2013 ay nauna sa UPOPOY. Pribado itong tinangkilik ng mga turista, na pinapatakbo ng mga Ainu sa Shiraoi, sa parehong lupain kung saan itinayo ang UPOPOY ngayon, mga anim na dekada na ang nakalipas. Ang Shoraoi ay halos katulad ng Mukawa kung saan ako lumaki, ang parehong lupain ay may malalim na kaugnayan sa kulturang Ainu. Pinangalagaan at pinalaganap ng Museo ng Ainu ang lokal na kultura ng Shiraoi Ainu sa loob ng napakahabang panahon.

Nang unang beses kong bisitahin ang Poroto Kotan, mga siyam o sampung taong gulang ako. Dinala ako sa Poroto Kotan ng aking lola at ng kanyang nakatatandang kapatid, na nagsisilbing tagapag-ingat ng kultura ng Ainu sa Mukawa at madalas na nag-aambag sa mga pagsasaliksik ng wika ng Ainu at tradisyonal na mga kwento na isinagawa sa Museo ng Ainu. Noong ako’y bata pa, natatandaan kong madalas nila kaming isinasama ng aking kapatid at bumibisita sa museo dalawang beses sa isang taon.

Kapag ang aming lola at ang kanyang mas matandang kapatid ay nagtatrabaho sa loob ng museo, kami ng aking kambal na kapatid ay labis na nai-engganyo ng mga awit at sayaw sa mga open-air na palabas. Labis kaming naaakit sa tunog ng isang instrumento na tinatawag na "mukkur." Ang mukkur ay isang instrumentong harmonika na nililikha mula sa iba't ibang materyales. Ang mukkur na ginagamit sa Shiraoi ay gawa mula sa kawayan, at wala itong mga nakatalagang patakaran kung paano ito laruin. Ang iba't ibang manlalaro ay kayang mag-produce ng iba't ibang uri ng tunog. Hindi lamang kami nagkaruon ng pagkakataon na tingnan ang mukkur, itinuro rin sa amin ng mga staff ng museo kung paano ito gamitin.

Isa sa mga taong natagpuan naming lubhang kahanga-hanga noong kami'y bata pa ay ngayon ang executive director ng UPOPOY. Siya ay magaling sa pag-awit at pagsayaw at may kakayahan ding marahang ipakilala ang kultura ng Ainu sa mga bisita. Iniidolo namin siya ng aking kambal na kapatid noong kami'y bata pa. Matapos kaming maipakilala sa kultura sa Poroto Kotan, lalo kaming nagkaroon ng inspirasyon na matutunan ang tungkol sa mga kultural na pagtatanghal ng Mukawa Ainu at madalas naming ibinabahagi ang aming mga karanasan sa isa't isa.

Ang mga palagiang pagbisita sa Poroto Kotan ay nagbigay inspirasyon at buhay sa aming pangarap na magtrabaho dito paglaki. Madalas kaming sumali sa mga lokal na kaganapan upang palaganapin ang kultura ng Ainu magmula elementarya hanggang high school, at sa panahon ng kolehiyo, kami ay sumailalim sa pormal na edukasyon tungkol sa kasaysayan at wika ng kultura ng Ainu at kami ay naging mga ganap na kurador. Bagamat kami ay pumasok sa mga propesyon na hindi konektado sa kultura ng Ainu pagkatapos ng aming pag-aaral, kami ay patuloy na aktibong nakilahok sa pagpapalaganap at pagpapalakas ng kultura ng Ainu. Sa wakas, noong 2013, kami ay nagsimulang opisyal na magtrabaho sa Poroto Kotan.

Sa unibersidad, nakamit ko ang pangkalahatang pang-unawa at mga batayang kaalaman tungkol sa kultura ng Ainu. Bilang halimbawa, sa kolehiyo kami nagsimulang opisyal na matuto ng wika ng Ainu, at inihambing namin ang aming natutunan sa wika ng Ainu na ginagamit ng aming lola. Natuklasan namin na mas marami pang dapat alamin at dahil dito ay nagsimulang matuto ng diyalekto ng Ainu na ginagamit sa Mukawa. Talagang naramdaman ko na ang aming edukasyon sa kolehiyo ay nagbigay sa amin ng kumpletong pagsasanay sa mga pangunahing aspeto o kaalaman tungkol dito.

Ngunit ngayon, ang pagkakakilanlan ng Ainu na aming tinuturing, ako at ang aking kambal na kapatid, ay nagmumula mula sa pananahan namin sa aming lola. Noong kami'y bata pa, itinuro ng aming lola ang mga halaga at karunungan tungkol sa kalikasan sa araw-araw na buhay. Sa unibersidad, natuto kami ng pangkalahatang kaalaman tungkol sa kultura ng Ainu, ngunit nakuha namin ang mga detalye ng kultura ng Ainu sa pamamagitan ng aming buhay sa pamilya (ang kultura ng Mukawa Ainu na ipinatutupad sa aming tahanan).

Bagaman itinuturing itong bahagi ng kultura ng Ainu, may kanya-kanyang diyalekto ang kulturang Ainu sa bawat rehiyon. May iba't ibang materyales din silang ginagamit sa pagtatayo ng mga bahay. Hindi natin kayang saklawin ang lahat ng mga aspeto ng kultura ng Ainu sa simpleng tawag na "kultura ng Ainu," at ito ang nagpapahiwatig ng kahalagahan at kagandahan ng kultura ng Ainu. Siyempre, maaari nating suriin ang mga pagkakaiba-iba na ito sa pamamagitan ng literatura, ngunit noong ako'y nagsimulang magtrabaho sa Shiraoi, marami rin akong natutunan tungkol sa natatanging kultura ng Ainu sa Shiraoi mula sa aking mga kasamahan na siyang nagbigay sa akin ng interes sa "kultura ng Ainu na natatangi sa lugar." Ito rin ang nag-udyok sa akin na isipin ang aking sariling rehiyon, at nagpalalim ng aking pagkakakilanlan bilang Ainu.


Pamumuhay bilang isang Ainu - Ang naghihintay sa hinaharap

Ang mga cise na muling itinayo sa UPOPOY ay pangunahing ginagamit bilang mga lugar kung saan ang mga espesyalista ng museo ay maaring magbahagi ng mga detalye tungkol sa buhay ng mga Ainu noon at ngayon, pati na rin ang pagsusuri sa mga alituntunin ng sining ng mga Ainu at iba pang aspeto ng kanilang kultura sa mga bisita. Sa aming pakikipag-usap sa mga bisita, may isang tanong na laging lumilitaw halos araw-araw, "Nabubuhay pa ba ang mga Ainu? Anong uri ng buhay mayroon sila ngayon?" At bagamat lagi kong sinasabi sa kanila na "Ako'y Ainu at namumuhay ng parehong buhay tulad ng iba," ang maling pang-unawa na "ang mga Ainu ay hindi na nabubuhay pa" o "ang mga Ainu ay namumuhay pa rin gaya ng dati" ay patuloy na umiiral. Kaya't bilang isang Ainu na nagtatrabaho bilang isang espesyalista, ang aking tungkulin ay tulungan ang mas maraming tao na maunawaan ang kultura ng Ainu na ipinamamana ng aking pamilya sa mga susunod na henerasyon, pati na rin ang magbigay ng tiyak na paglalarawan ng buhay ng mga Ainu sa kasalukuyan.

Ang UPOPOY ay tumatanggap hindi lamang ng mga bisita mula sa Japan kundi marami rin mula sa ibang bansa. Hindi lamang mga Ainu ang nagtatrabaho sa UPOPOY, mayroon ding mga kasamahan doon na hindi Ainu at mula sa iba't ibang bansa. Ang pangkat na binubuo ng mga miyembrong hindi Ainu, mga Ainu, mga dayuhan, at mga may kapansanan ay sumasagisag sa pinaka pundasyon kung bakit itinayo ang UPOPOY - isang 'symbolic space for ethnic harmony.'  Ang pag-unawa na ang mundo ay tahanan ng maraming iba't ibang lahi, pati na rin ng mga tao na may iba't ibang uri ng pagkakakilanlan ang susi upang lubos na maunawaan ang konsepto ng "modernong Ainu" . Patuloy akong magpapalaganap at magbabahagi ng kultura ng Ainu sa hinaharap, hango sa aking sariling pagkakakilanlan bilang pinagmumulan ng suporta, at ilalaan ang aking oras upang maipakita ang uri ng kabaitan na taglay sa konsepto ng "ethnic harmony."