:::

Ang Pagpapatupad ng Karapatang Pantao sa Indonesia sa Kalagayan na COVID-19

Ukol sa May-akda Erpan Faryadi

Si Erpan Faryadi  ay kasalukuyang Project Manager ng Advocacy and Research Circle of Borneo (Link-AR Borneo), isang organisasyong pangkomunidad na nakikibahagi sa adbokasiya, pangangampanya, edukasyon, at pananaliksik sa mga paksa ng demokrasya, karapatang pantao, likas na yaman, pagbabago ng klima, at soberanya ng mga tao sa Kanlurang Kalimantan ng Indonesia.

Tungkol sa Link-AR Borneo

Ang Link-AR Borneo (Borneo Advocacy and Research Circle) ay isang organisasyong di-pampamahalaan na itinatag Abril 2, 2009. Itinatag ito upang isagawa ang adbokasiya na lutasin ang napakalaking suliranin ng pagkontrol sa mga lupain, kagubatan at mga likas na yaman ng mga industriyang walang habas na lumilikom ng mga ito. Sanhi ito ng mga interes sa ekonomiyang politikal na inuuna ang pangangailangan sa mga materyales na ibinibigay sa mga naglalakihang industriya sa mundo. Ang kondisyon na ito ay hindi maihihiwalay sa lupaing Borneo na may masaganang likas na yaman.

Batay dito, itinatag ang Link-AR Borneo upang maisagawa ng adbokasiya batay sa ebidensya. Ang adbokasiyang ito ay isang pagpapakita ng pagkakahanay ng Link-AR Borneo sa mga interes ng komunidad at maaaring mapanatiling katarungang ekolohikal. Simula ng pagkakatatag nito, naging aktibo ang Link-AR Borneo sa paggawa ng iba't ibang pagsisikap sa pagtataguyod at pagtatanggol sa mga karapatang pantao, paghihikayat para sa pagpapabuti ng makatarungan, napapanatiling kagubatan at pangangasiwa sa lupa, gayundin ang paghihikayat ng kasarinlan ng komunidad sa pamamahala ng kagubatan at lupa.


Ngayon ay ang pinaka magandang panahon upang suriin ang mga patakaran ng Pamahalaang Indonesia at kanilang mga pagtugon sa pandemyang COVID-19 at ang epekto ng mga patakarang ito sa mga mamamayan, kabilang na ang epekto sa pagpapatupad at paggalang sa mga karapatang pantao.

Mula sa simula ng taon 2020 (Enero hanggang Marso 2020), ang pamahalaan ng Indonesia at mga opisyal nito ay hindi lubusang tumugon sa presensya ng COVID-19. Parang minamaliit pa nila at hindi naniniwala sa pag-iral ng COVID-19. Ang bise-presidente ng Republika ng Indonesia noong 2020 ay nagsabing sa mga dasal ng mga relihiyosong pinuno, ang COVID-19 ay hindi sasapit sa Indonesia. Maging ang Pangulo ng Indonesia noong 2020 ay nilinlang ang mga mamamayan sa pagsasabing, “Ang mga mamamayan ng Indonesia ay maaaring masupil ang COVID-19 sa pamamagitan ng pag-inom ng mga halamang gamot”. (Tingnan ang CNN Indonesia, 16 Marso 2020, “Media Asing Soroti Jokowi Minum Jamu Untuk Tangkal Corona”). Ang mga hindi siyentipikong tugon na ito ang naging batayan ng mga patakaran ng pamahalaan ng Indonesia sa pagharap sa pandemyang COVID-19.

Mga Hakbang ng Pamahalaan ng Indonesia sa Pagharap sa COVID-19

Simula ng anunsyo ng WHO noong Marso 2020 sa COVID-19 bilang isang pandaigdigang pandemya, dapat sinimulan ng pamahalaan ang mga sistematikong hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa Indonesia sa pamamagitan ng pag-imbita sa mga eksperto sa kalusugan, lalong-lalo na sa mga espesyalista sa nakakahawang sakit. Gayunpaman, kahit na ang pangunahing suliranin ay ang mga problemang pangkalusugan, ang mga pananaw ng mga dalubhasa sa kalusugan ay madalang pakinggan ng pamahalaan. Minsan, minamaliit ang mga ito at may mga pagkakataong taliwas sa pamahalaan ang pananaw ng mga dalubhasa. Ngunit, simula Abril 2020, inatasan ng Pamahalaan ng Indonesia ang Indonesian National Armed Forces (TNI) at pulisya na ikulong ang mga tao sa kanilang mga bahay[1],  paghigpitan ang pagsamba, paghigpitan ang paggalaw ng mga tao at ipagbawal ang mga protesta at demonstrasyon, na mag-aanyaya ng maaaring mga paglabag sa karapatang pantao, partikular na ang mga karapatang sibil at pulitika.

Pagkatapos mapagpasyahan na ang corona ay isa nang pandaigdigang pandemya, gumawa ng mga hakbang sa pagkontrol ang pamahalaan ng Indonesia ngunit walang ‘pambansang atas’. Ipinagpalagay ng mga eksperto ng pampublikong kalusugan na tila mabagal ang mga hakbangin ni Jokowi at hindi ito sapat upang pakalmahin ang publiko. (Tingnan ang BBC News Indonesia, 16 Marso 2020, “Virus corona: Jokowi umumkan langkah pengendalian Covid-19, tapi tanpa komando nasional.”)

Mahilig ang pamahalaan magpakilala bawat buwan ng bagong tuntunin at patakaran sa pagharap sa pandemyang COVID-19 ng walang makabuluhang intensyon na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa Indonesia. Ipinapakita nito ang matinding takot at kakulangan ng direksyon sa patakaran ng gobyerno sa lahat ng antas sa pagharap sa nakamamatay na sakit na ito.

Minanipula din ng mga opisyal sa pamahalaan tulad ng Ministro ng Panlipunang Gawain na si Juliari Batubara, ang tulong panlipunan (bansos) sa pamamagitan ng mga pakete ng mga pagkain para sa mga mahihirap bilang pagbabalatkayong paglutas sa COVID-19 noong Disyembre 2020.[2] Isang kahihiyan ang ginawang ito ng opisyal ng pamahalaang Indonesia sa gitna ng paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan ng Indonesia dahil sa COVID-19.

Ang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 at mga namamatay dahil rito ay siyang lalung nagpahirap sa pamahalaang Indonesia sa pagharap dito.  Dapat sana’y tinitiyak ng gobyerno ang karapatan ng mga tao sa kalusugan, na isang karapatang pantao, kasama ang pagsisiguro ng mga personal na gamit ng mga manggagawang pangkalusugan na siyang nasa harapan ng pakikipaglaban sa COVID-19. Sa pagharap sa kalupitan ng pandemyang COVID-19, nagmistulang walang kalaban laban ang gobyerno ng Indonesia habang inuulat araw-araw ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente at namamatay dahil sa COVID-19 na siyang patuloy na tumataas mula pa nang kalagitnaan ng Hunyo 2021.

Ang Epekto ng COVID-19 sa mga Mamamayan ng Indonesia

Magmula noong Abril 2020, pinangasiwaan ng pamahalaan ng Indonesia ang patakaran (PSBB) sa isang malawakang panlipunang paghihigpit na naglalayong maputol ang tanikala ng pagkalat ng COVID-19. Ang patakarang PSBB ay nabigong matamo ang kanyang adhikain, tulad ng mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 at bilang ng mga namamatay dahil dito, mga bagay na alinsunod sa dalawang pangkalahatang layunin ng WHO sa pagharap sa COVID-19. Noong Hulyo 2021, lalong lumala ang pandemya ng COVID-19 sa Indonesia dahil sa kawalan ng katiyakan ng pamahalaan sa pagpili ng kalusugan ng publiko o sa pag-unlad ng ekonomiya.

Sa buong Hulyo 2021, ipinatupad ng pamahalaan ng Indonesia ang Emergency Enforcement of Community Activity Restrictions (PPKM) sa mga isla ng Java at Bali na naging mabisa mula Hulyo 3-20, 2021. Sa pamamagitan nito, inasahan ng pamahalaan na masugpo ang mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 at mabawasan ang bilang ng mga namamatay dahil rito. Samantala, sa labas ng  Java at Bali, ipinatupad ng pamahalaan ang PPKM Micro (pagpapatupad ng paghihigpit sa maliit na antas tulad ng mga pamayanan at purok). Ang lahat ng mga patakarang ito ng gobyerno ay walang naidulot na epekto sa pagbawas ng COVID-19. Ang toto nyan, ang bilang ng pagkalat at kamatayan sa COVID-19 sa Indonesia ay tumataas.

Ang Papel ng mga Organisasyon ng Panlipunang Sibil sa COVID-19 sa Indonesia

Ang mga organisasyon ng panlipunang sibil sa Indonesia ay mga aktibong samahan mula pa noong panahon ng repormasyon o sa panahon matapos ang diktadura. Maraming mga organisasyong sibil sa Indonesia ang nagkaroon ng aktibong papel sa mga larangan ng mga karapatang pantao, pagbabago ng klima, kalusugan, pagbabago ng batas, soberanya sa pagkain, pagbabago at mga karapatan sa lupa, mga isyu sa mga manggagawa at iba pa. Nanghihikayat din ang mga samahang ito ng maraming grupo at indibidwal na makilahok sa kanilang mga kilusan at kampanya, kasama na rito ang mga manggagamot, tagapagtanggol, mga dalubhasa sa agrikultura at iba pa na siyang tumutulong sa mga ogranisasyon ng panlipunang sibil na maging mas katiwatiwala at maraming karanasan sa mga larangang ito. Kung baga, ang mga organisasyon ng panlipunang sibil sa Indonesia ay tumutulong sa proseso ng demokrasya sa Indonesia matapos ang panahon ng diktadura.

Tinututukan din sa Indonesia ng mga organisasyon na pangsibil sa lipunan ang pagtugon sa COVID-19, kabilang ang Citizens' Coalition to Report Covid-19. Ang Citizens' Coalition to Report Covid-19 o LaporCovid-19 ay binuo ng isang grupo ng indibidwal na may pagmamalasakit sa mga isyung karapatang pantao ng mga mamamayan at pampublikong kalusugan kaugnay sa pandemyang COVID-19. Binuo itong koalisyon noong simula ng Marso 2020 nang opisyal kung saan opisyal na napag alaman ang maraming kaso ng pagkalat ng COVID-19.

Nagtatag ang LaporCovid-19 ng plataporma na ginagamit para makapagbigay-impormasyon tungkol sa mga insidente na may kinalaman sa COVID-19 na napag alamanan ng mga residente, na hanggang ngayon ay malayo sa abot ng gobyerno.

Ang paggamit ng crowdsourcing approach kung saan kinakailangan ang pakikilahok ng mga mamamayan sa pagtala ng mga bilang ng COVID-19 at pagbibigay-alam sa mga isyu ng COVID-19 sa kapaligiran, ay naging tulay sa pagtatala ng bilang ng mga insidente ng COVID-19 sa bansa. Ang LaporCovid-19 ay isang porum na tumutulong sa pamahalaan at sa ilang mga mamamayan para malaman ang distribusyon at lawak ng COVID-19 sa Indonesia. Ang mga impormasyong nakalap tungkol mula sa  LaporCovid-19 ay punla para sa pamahalaan upang makabuo ng mga patakaran at ng mga hakbang sa pagharap sa COVID-19 base sa datos sa paligid.

Ang LaporCovid-19 ay binubuo ng mga sumusunod na organisasyon ng panlipunang sibil sa Indonesia: YLBHI, Tempo magasin, Efek Rumah Kaca, Transparency International Indonesia, Lokataru, Hakasasi.id, U-Inspire, STH Jentera, NarasiTV, Rujak Center for Urban Studies, Indonesia Corruption Watch. Ang YLBHI ay isang grupo para sa mga karapatang pantao na itinatag simula noong dekada 1970 upang palagiang bantayan ang obligasyon ng pamahalaan ng Indonesia sa karapatang pantao; samantala ang Tempo Magasin ay isang bahagi ng Grupong Tempo na nakatuon sa mga  karapatang pantao, kapaligiran at katiwalian.

Ang kawalan ng sistema sa pagharap sa COVID-19 ay binigyang diin ng Civil Society Coalition na binunuo ng LaporCovid-19, ICW, YLBHI, LP3ES at Lokataru, ang magulong pagsasaayos sa COVID-19. Ayon sa pagsusuri ng koalisyong ito, ang pamahalaan ni Jokowi ay nabigo sa pamamahala sa pandemyang dinaranas ng Indonesia magmula pa noong unang bahagi ng Marso 2020.

Mga Puna ng LaporCovid-19: Hindi mapigilan ng gobyerno ang bilang ng mga namamatay dahil sa problema sa pamamahala sa COVID-19. Ayon sa LaporCovid-19, maaaring nabawasan na nung umpisa pa lamang ang bilang ng mga namatay kung ang gobyerno ay maigting at agad agad na nagsagawa ng pagpipigil at pag-aapula. Tingnan ang artikulo "Kasus Meninggal Melonjak & RS Kolaps, Negara Gagal Tangani COVID?", Tirto.id, Hulyo 6 2021, https://tirto.id/ght5.  Kahit na may pondo ang gobyerno na Rp 695.2 trillion para sa pamamahala sa COVID-19 sa taon 2020. (Tingnan ang Kompas, 20 Disyembre 2020, “Kebijakan Pemerintah Menangani Covid-19 Sepanjang Semester II 2020.”)

Bilang ng mga namamatay sa bawat araw dahil sa COVID-19 sa Indonesia, Hulyo 27, 2021 – Agosto 4, 2021.

Bilang ng mga namamatay sa bawat araw dahil sa COVID-19 sa Indonesia, Hulyo 27, 2021 – Agosto 4, 2021.

Pagbabakuna at bilang ng namamatay sa COVID-19

Napakabagal rin ang progreso ng pagbigay ng bakuna para sa COVID-19 sa mga tao. Sa umpisa, nais pagsamantalahan ng pamahalaan at ng industriya ng parmasya ang mga tao sa pamamagitan ng programa sa bakuna bilang pagtatakda bayad na pagbabakuna. Sa huli, pagkatapos ng isang maigting na pagtatalo, napagpasyahan na magkakaroon na lamang ng libreng bakuna para sa lahat ng mga taga-Indonesia.

Tinitiyak ng Pangulong Jokowi na walang bayad ang mga bakuna sa COVID-19. Napagpasyahan ito pagkatapos niyang ipawalang-bisa ang bayad na bakuna para sa mga indibidwal na dati nang binalak na bigyan sa pamamagitan ng  Kimia Farma, isang kumpanyang pag-aari ng gobyerno  (nasa Tempo.co, 16 Hulyo 2021, “Batalkan Vaksinasi Berbayar, Jokowi Pastikan Seluruh Vaksin Covid-19 Gratis.”).

Ang kaguluhan sa programa ng pagbibigay bakuna sa mga tao kontra COVID-19  ay nagpakita rin ng tila paglalaro ng gobyerno sa buhay ng mga taong salat dahil sa COVID-19. Magmula sa Agosto 3, 2021, ang mga mamamayan ng Indonesia na nakatanggap na ng kumpletong programa ng bakuna kontra COVID-19 (dalawang beses na ineksyon) ay umabot sa na 21 milyon katao.  Ang bilang na ito ay sampung porsyento lamang ng nais maabot na bilang na 208 million na katao. (Tingnan ang Sindonews.com, 5 Agosto 2021, “21 Juta Penduduk Indonesia Sudah Divaksin Covid-19 Secara Lengkap.”)

Ngunit, noong May 1, 2022, bumubuti na ang sitwasyon.  Mahigit sa 199 milyon na Indonesian ang nakakuha ng unang bakuna, o halos 96% ng nilalayong 208 milyon. Habang ang populasyon ng Indonesia na nakakuha ng pangalawang bakuna ay ansa 165 milyon o nasa 34 na porsyento ng inaasam na bilang. Sa kabilang banda, ang populasyon ng mga Indonesian na namatay dahil sa COVID-19 ay 156,273. (Tingnan ang https://covid.go.id, 1 Mayo, 2022)

Dagdag pa dito, ang Indonesia nakakaranas din ng mga problema sa pagsusuri. Malaking problema sa mga taong mahihirap sa Indonesia ang pagbili sa Polymerase chain reaction (PCR) at antigen tests. Noong Nobyembre 2020, bilang halimbawa, kinakailangan ng isang tao ang IDR 1,500,000 upang mabayaran at makuha ang resulta sa PCR pagsusuri.

Kung sa ibang bansa libre ang pagsusuri o may subsidiya, sa Indonesia, pinagsamantalahan ng pamahalaan, mga kumpanya ng gamot at mga pribadong klinika ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagsingil ng napakataas sa pagsusuri ng COVID-19. Subalit, pagdating ng Oktubre 27, 2021, tiniyak ng pamahalaan na ang presyong para sa PCR sa Java at Bali ay IDR 275,000 at IDR 300,000 sa mga iba pang isla.[3]

Konklusyon

Ang pandemya ng COVID-19, na nung una ay isang problemang pangkalusugan lamang, ay naging isang problemang pang ekonomiya and isang krisis na panlipunan.  Sa ilang mga bansa tulad ng Malaysia o Brazil, pinuwersa ng taong bayan ang gobyerno na bumaba sa kanilang posisyon dahil sa kanilang kakulangan sa kakayahan sa pamamahala sa COVID-19 sa kani-kanilang bansa.

Sa mga bansang may mahinang sistemang pangkalusugan at kakayahang pang-ekonomiya tulad ng Indonesia, bilang halimbawa, ang pandemya ng COVID-19 ay nagkaroon ng matinding epekto sa ekonomiya at kalusugan. Ang pamamahala ng COVID-19 sa Indonesia ay nagdulot ng mga paglabag sa mga karapatang tao ng mga opisyal ng gobyerno nang pilitin at pwersahin nila ang mga tao na sumunod sa mga patakarang pangkalusugan para maharap ang COVID-19. Pinwersa pa ng gobyerno ang mga tao na magpabakuna.

Mabilis na bumagsak ang ekonomiya ng Indonesia noong panahon ng COVID-19Madaliang bumagsak ang ekonomiya ng Indonesia sa panahon ng COVID-19. Ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ay nagkaroon ng mabilis na pagbagsak mula 5.02% noong 2019 sa -2.07% noong 2020  (Central Agency of Statistics, 2021). Bilang resulta, tulad ng inaasahan, tumataas ang kahirapan, nawawala ang mgaang pagsisisante ay nangyayari sa lahat ng lugar, kaya ang pagkamit ng Sustainable Development Goals (SDGs) ay natigil. Bilang resulta ng pandemya ng corona, tinatayang umbaot sa 10.98 na porsyento o 4.86 na milyong katao ang nalagay sa kahirapan(Ministry of Finance, 2020: 3).

Kung ano ang gagawin ng Gobyerno pagdating sa pagharap sa pandemya ng COVID-19 sa 2021 ay hindi pa rin malinaw, nakalilito, at lalung nakakadagdag sa hirap ng buhay ng mga tao.  Ang nakita ay ang pagtaas ng dami ng panlabas na utang na ginawa para masupil ang COVID-19, lalu para sa pag-ahon ng ekonomiya at mga programa sa bakuna.

Ang buwan ng Hulyo 2021 ay palagin nang maaalala ng mga mamamayan ng Indonesia bilang pinaka malupit na buwan dahil sa pandemya ng COVID-19.  Ang mga hospital ay bumagsak.Laging. Naubos ang supply ng oxygen at naging sanhi ng mabilis na kamatayan ng mga pasyenteng may COVID-19. Napakataas ng presyo ng mga gamot at oxygen tubes at madalang silang dumating dahil nilalaro ng industriya ng gamot ang presyo, na siyang nakikinabang mula sa pandemya ng COVID-19.

Ang gobyerno ay abalang sinisisi ang mga tao sa hindi pagsunod sa mga patakarang pangkalusugan, habang ang pagkulong sa mga tao sa kanilang mga tahanan na may pabago bagong alituntunin kada linggo  ngunit hindi naman nagbibigay tulong sa mga mahihirap, maliban sa 10 kilo ng bigas. Ang tulong panlipunan para sa mga pangunahing pangangailangan para sa mga mahihirap sa konteksto ng pamamahala sa COVID-19 ay minanipula ng Ministro ng Panlipunang Gawain na si Juliari Batubara na nasentensiyahan na ng 12 taon ng hukuman.[4]

Ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 na namatay noong Hulyo 2021 kumpara sa June 2021 ay tumaas ng 348 na porsyento o tinatayang nasa 27,409 na kaso (Tingnan ang Kompas, 5 Agosto 2021:  Tumaas ng 348% noong Hulyo, inaasahang bumaba ang bilang ng mga namamatay na pasyente sa Agosto"). Sa buong bansa, ang populasyon ng mga INdonesian na namatay dahil sa COVID-19 noong Mayo 1, 2022 ay 156,273 katao (COVID-19 Task Force ng Republika ng Indonesia, karamihan sa mga ito ay nangyari noong 2021.

Sa larangan ng karapatang pantao, umani rin ng batikos ang ginawang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 sa Indonesia. Sa ulat na inilathala ng Kawagaran ng Estado ng Estados Unidos sa Indonesia  noong 2021 (Indonesia 2021 Human Rights Report), itinuring na lumabag sa karapatang pantao ang pamahalaan ng Indonesia sa panahon ng COVID-19 sa pag-aatas ng serbisyong PeduliLindungi sa mga mamamayan. Ang paggamit ng PeduliLindungi ay itinuring na isang paglabag sa pagkapribado ng kilusa ng mga tao at pagnakaw sa mga personal na impormasyon ng mga mamamayan.

Ang ulat na ito sa mga karapatang pantao ay ginawa batay sa mga impormasyong binigay ng mga di-pampamahalaang organisasyon sa Indonesia, gayun din ang ilang mga pinagkunan tungkol sa sitwasyon ng mga karapatang pantao sa Indonesia sa panahon ng COVID-19. Dahil dito, ang pinagsama-samang mga ulat tungkol sa mga karapatang pantao ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos ay hindi maaaring ipagsawalang bahala, kahit na ang mga nilalaman nito ay masidhing tumataliwas sa mga opisyal na Indonesian.

Kung titingnan ang ulat sa mga karapatang pantao na ito, ang kalagayan ng pagtupad at pagrespeto  sa mga karapatang pantao sa Indonesia sa panahon ng COVID-19 ay napaka sama. Lalu na sa may kinalaman sa kalayaan ng opinyon at organisasyon, kalayaan sa paggalaw, personal na kalayaan, militarisasyon ng sibil na buhay panlipunan, at paniniil sa kalayaan makapagpahayag.  Lahat ng mga paniniil na ito ay isinagawa ng gobyerno ng Indonesia sa paglalayong mapigilan ang mga kamatayan dahil sa COVID-19.  Sa katotohanan, ang mga biktima na namatay sa COVID-19 sa Indonesia ay umabot na sa 156,273 mula Mayo 1, 2022.  Kaya’t ang puwersa at paniniil ng gobyerno ng Indonesia ay hindi nabigyang katwiran sa isang demokratikong bansa kung saan inuuna ang respeto sa mga karapatang pantao.

Sanggunian

BBC News Indonesia, 16 March 2020, “Virus corona: Jokowi umumkan langkah pengendalian Covid-19, tapi tanpa komando nasional.”

BBC News Indonesia, 23 August 2021, “Juliari Batubara divonis 12 tahun penjara.”

Sentral Ahensya ng Istatistika, Republika ng Indonesia, 2021.

COVID-19 Task Force ng Indonesia, Tingnan ang  https://covid.go.id, Mayo 1, 2022

CNN Indonesia, 16 Marso 2020, “Media Asing Soroti Jokowi Minum Jamu Untuk Tangkal Corona.”

Kementerian Keuangan (Ministri ng Pananalapi) Republik Indonesia, Kerangka Ekonomi Makro dan Pokok-pokok Kebijakan Fiskal Tahun 2021: Percepatan Pemulihan Ekonomi dan Penguatan Reformasi. Jakarta: Kementerian Keuangan, 2020.

Kompas pang-araw-araw na pahayagan, 16 Abril 2020, “Upaya-upaya TNI dalam Penanganan Pandemi COVID-19.”

Kompas pang-araw-araw na pahayagan, 20 Disyembre 2020, “Kebijakan Pemerintah Menangani Covid-19 Sepanjang Semester II 2020.”

Kompas pang-araw-araw na pahayagan, 5 Agosto 2021, “Tumaas ng 348% sa Hulyo, Inaasahang bumaba ang bilang ng pasyenteng namamatay sa Agosto."

Kompas pang-araw-araw na pahayagan, 19 Abril 2022, “Pangangailangan sa Bagong World Order”

https://laporcovid19.org/tentang-kami

Liputan6.com, 19 Mayo 2022, “Perbandingan Harga Tes PCR, Antigen hingga Masker Dulu dan Sekarang, Bak Bumi dan Langit.”

Sindonews.com, 5 Agosto 2021, “21 Juta Penduduk Indonesia Sudah Divaksin Covid-19 Secara Lengkap.”

Tempo pang-araw-araw na pahayagan, 16 Hulyo 2021, “Batalkan Vaksinasi Berbayar, Jokowi Pastikan Seluruh Vaksin Covid-19 Gratis.”

Tempo pang-araw-araw na pahayagan, 28 Hulyo 2021, “Breaking News: Korupsi Bansos Covid, Juliari Batubara Dituntut 11 Tahun Penjara.”

Tirto, 6 Hulyo 2021, "Kasus Meninggal Melonjak & RS Kolaps, Negara Gagal Tangani COVID?" https://tirto.id/ght5

Estados Unidos, Kagawaran ng Estado, Indonesia 2021 Report sa Karapatang Pantao.

 

[1]See Kompas daily newspaper, “Upaya-upaya TNI dalam Penanganan Pandemi COVID-19,” 16 April 2020.

[2]See Tempo daily newspaper, “Breaking News: Korupsi Bansos Covid, Juliari Batubara Dituntut 11 Tahun Penjara,” 28 Juli 2021.

[3]See Liputan6.com, “Perbandingan Harga Tes PCR, Antigen hingga Masker Dulu dan Sekarang, Bak Bumi dan Langit,” 19 Mei 2022.

[4]See BBC News Indonesia, “Juliari Batubara divonis 12 tahun penjara,” 23 Agustus 2021.

Illustrators: Zheng Ting-Zhi

Illustrators: Zheng Ting-Zhi