:::

Laban sa Pagkalimot: Mga museo at pulitikal na aktibismo sa Indonesia

Larawan 1: Suciwati: Tagapagtatag ng Munir (Asawa ng yumaong Munir)

Larawan 1: Suciwati: Tagapagtatag ng Munir (Asawa ng yumaong Munir)

Larawan 2: Loob ng lumang museo

Larawan 2: Loob ng lumang museo

Tungkol sa May-akda  - Andi Achdian

si Andi Achdian ay isang assistant-professor sa Sociology Department, sa Faculty ng Social and Political Science sa Universitas Nasional. Siya rin ang pinuno ng Omah Munir Foundation.

Tungkol sa Munir Museo ng Karapatang Pantao

Ang Museo Munir ng Karapatang Pantao ay unang itinatag sa pangalang Museo Omah Munir (House of Munir) ng Karapatang Pantao ng Omah Munir Human Rights Foundation noong 2013 sa lungsod ng Batu, Silangang Java kung saan isinilang at lumaki si Munir. Ang pagtatag ng Museo ay upang palaganapin ang edukasyon ng karapatang pantao sa mga Indonesians, lalo na sa mga kabataan upang makapag taguyod ng mga mamamayang may pagpapahalaga sa kalayaan, na nagbibigay-galang sa mga  karapatang pantao at naninindigan sa mga prinsipyo ng pagpaparaya at pagkakapantay pantay.


Panimula

Ang rehimeng New Order ay bumagsak noong Mayo 1998. Pagkaraan ng mahigit tatlong dekada ng pamumuno, nagbitiw si Heneral Suharto at pinalitan ni bise-presidente B.J. Habibie, na may masidhing layunin na dalhin sa direksyong demokratiko ang pulitika ng Indonesia. Sa pagbagsak ng New Order, sumibol na parang mga kabute ang mga partido sa pulitika. Ang bagong panahon kung saan ang sistemang pulitikal ay binubuo ng iba’t ibang mga partido ay mapasa hanggang ngayon ay unti-unting nagbabago upang maging pundasyon ng proseso ng demokratisasyon sa Indonesia. Gayunpaman, hindi pa rin tuluyang nawala ang mga pangunahing elemento ng pagtatayo ng rehimen.   Ang kaniyang pamana ay tuluyan pa ring nananalaytay sa kasalukuyang pulitika ng Indonesia.

Isa sa mga ito ay ang pagbubuo ng kasaysayan ng modernong Indonesia na nagtatampok sa papel ng militarya, lalo na ang sandatahang panlupa, bilang pangunahing pwersa sa pagliligtas sa Indonesia mula sa bantang komunismo noong 1965. Ang salaysay ng kasaysayang ito ay lalu pang lumawak matapos magtagumpay ang sandatahang panlupa sa pagkontrol ng kapangyarihang pulitikal simula noong 1970.  Ang salaysay ay hindi na lamang tungkol sa pagtatagumpay ng hukbo na supilin ang kilusang komunista ngunit ito rin ay nagbigay diin sa kalayaan ng Indonesia bilang pangunahing tagumpay na nakamit ng sandatahang panlupa laban sa mga Olandes. 

Ang papel ng mga aktibistang tulad nina Sukarno, Hatta, and Sjahrir sa kilusang kontra kolonyalismo ay unti-unting naglaho at napalitan ng papel ng sandatahang panlupa at ng kanilang pagkabayani sa digmaang pangkalayaan.   Sa kanyang pag-aaral ng salaysay ng kasaysayan ng ika-20 siglo ng modernong Indonesia, ito ay masusing inilarawan ni Katherine McGregor (2007) bilang “kasaysayang naka uniporme” upang maisalarawan ang pagbuo ng opisyal na kasaysayan ng Indonesia na nagsusulong sa papel ng sandatahang panlupa na ginawa noong panahon ng New Order. Nagbigay ito ng palantandaan na bukod sa gamit nito para sa progresibo at mapagpalayang aktibismo, ang isang museo ay maaari ring gamitin ng mga kasalukuyang namumunong rehimen upang malangisan ang gulong ng mapanlinlang na kaisipang pangkasaysayan ng mga makakanan ukol sa mga pinunong awtoritaryan. Ang arkitekto sa likod nito ay si Nugroho Notosusanto, isang akademiko at mananalaysay ng militarya na sa kalaunan ay naging ministro ng edukasyon sa panahon ng New Order. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga salaysay ng kasaysayan ay suportado ng mga pagtatatag ng mga museo at monumento sa iba’t ibang malalaking siyudad sa Indonesia na siyang nagpapaalala sa publiko ng mga serbisyo at kahalagahan ng papel ng sandatahang panlupa.

Kilusan Laban sa Pagkalimot

Sa ilalim ng rehimeng New Order, ang  mga museo ay lumagpas pa mula sa kanilang karaniwang kahulugan bilang lugar kung saan itinatago ang mga “bagay” ng sining, kultura, kasaysayan o interest na pang agham  (Oxford Dictionary), hanggang sa maging instrumento ng kapangyarihan na ginagawang lehitimo ang makasaysayang papel ng rehimen. May mga pagsisikap na lansagin ang salaysay na ito hindi katagalan matapos ang repormasyon sa 1998. Noong mga unang taon ng 2000, naging kritikal ang mga salaysay na isinusulong ng mga malayang mananalaysay ng kasaysayan sa Indonesia. Si Asvi Warman ay isa sa mga pangunahing tauhan na nagmungkahi ng pagwawasto ng kasaysayan (Adam, 2004). Sa pagbibigay-diin sa papel ng sandatahang panlupa, ang opisyal na salaysay ay ng kaganapan noong 1965 sa salaysay ng pagpatay ng libo-libong komunista at mga inakusang komunista sa iba’t ibang lugar sa Indonesia. Gayunpaman, ang bagong takbong ito ay limitado pa rin bilang isang  pang akademikong diskurso na umiikot sa limitadong mga lupon. Ang opisyal na salaysay ng New Order ay nanatiling nangibabaw na bersyon, suportado ng mga teksto ng kasaysayan sa mababa at mataas na paaralan, mga pelikula at lalung-lalo na sa mga museo at monumento sa New Order na nananatili hanggang sa kasalukuyan.

Ang isang pang hamon ay nagmula sa mga aktibista ng karapatang pantao at kilusang maka-demokrasya bilang kanilang pagtatangka na patibayin ang alaala ng publiko ukol sa nangyari noong nakaraang 1998 nang ang Indonesia ay nasa ilalim ng krisis pang-ekonomiya at pampulitika. Noong Disyembre 10, 2014, pinasinayaan ng mga aktibista at akademiko mula sa Unibersidad ng Trisakti ang Monumento ng Trahedya ng May 12, 1998 kasabay ng pag-alala sa pandaigdigang karapatang pantao. Upang alalahanin ang apat na mag-aaral na binaril ng pwersa ng seguridad sa isang demonstrasyon sa kanilang paaralan, ang monumento ay gawa sa itim na luwad at may taas na 3-metro.

Kasabay nito, ginawa ng Komnas Perempuan (the National Commission on Violence Against Women) ang mga salitang nakatatak sa Monumento ng Trahedya ng Mayo 1998 bilang bahagi ng pagsisikap na maalala ang karahasan at mga panggagahasang ginawa sa mga kababaihan sa Tsina. Ipinahatid sa media ng mga nagboluntaryo ang mga panggagahasa sa mga kababaihan sa Tsina at ang kwentong ito ay naging kontrobersyal sa simula ng repormasyon.Tumugon ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbuo ng isang Joint Fact-Finding Team (TPGF) upang siyasatin ang mga katotohanang pumapalibot sa isyu.  Ngunit, wala silang nahanap na ebidensyang susuporta sa maramihang panggagahasa, at ang pamahalaan ay opisyal na itinanggi ang pangyayaring ito. Bilang pagtugon sapamahalaan, si Ita Martadinata, isang batang boluntaryo, na may lahing Tsino at biktima ng insidente, ay nagbalak magbigay ng testimonya sa harap ng Kongreso ng Estados Unidos. However, before her departure to the US, she was found murdered, and the story of the mass rape of Chinese women was forgotten. The May 1998 Tragedy Inscription is a witness that reminds the public of this history.  Ngunit, bago pa man ang kaniyang pag-alis patungong Estados Unidos, siya ay natagpuang napaslang, at ang kwento tungkol sa maramihang panggagahasa sa mga kababaihang Tsino ay tuluyan nang nalimutan. Ang inskripsyon sa Monumento ng Trahedya ng Mayo 1998 ay isang testigo na siyang nagpapaalala sa publiko ng kasaysayang ito.

Samantala, sa pinakakanlurang rehiyon ng Aceh Darussalam sa Indonesia, ang ilang mga organisasyong NGO ay gumawa ng isang mas malaking hakbangin noong 2011 sa pamamagitan ng pagtatatag ng Museo Aceh sa Karapatang Pantao.  Maliit ang museo. Nagtayo sila ng mga harang sa bakuran ng Tikar Pandan Community Office kung saan nakahatag ang mga salaysay tungkol sa pagbaril sa mga residenteng nagproprotesta sa Simpang KKA, mga taong nawala habang may hidwaan at mga bahay ("rumoh geudong") kung saan pinahirapan ng mga sundalo ang mga pinaghinalaang naki simpatiya sa Kilusang Free Aceh. Isa itong simpleng museo ngunit may malaking misyon na nakasaad sa kanilang manifesto:

Naniniwala kami na laging magbibigay ng palatandaan ang mga maliliit na ilaw sa madidilim na lugar. Kaya nagtayo kami ng banal na pook ng alaala; upang kami, ang mga kababaihan at kalalakihan ng Aceh, na nabuhay at namatay, na mga ginahasa at pinaslang, na mga pinahirapan at pinuksa, ay nagtataas ng boses ng higit pa buhay at kamatayan: Hindi na muli! Hindi na muli!  Aceh hindi na muli!

Sa madaling salita, ang repormang pampulitika sa Indonesia ay nagbukas ng pinto para sa mga aktibista ng karapatang pantao at mga kilusang maka-demokrasya sa Indonesia upang makalikha ng bagong makasaysayang salaysay bukod sa opisyal na bersyon nito. Ginagamit nila ang pangunahing slogan na "laban sa pagkalimot" upang tumugon sa umiiral na kultura sa Indonesia ng kawalan ng parusa na nagbibigay pahintulot sa mga nakagawa ng krimen sa paglabag ng mga karapatang pantao na malayang makapamuhay. Ang kilusan laban sa pagkalimot sa pamamagitan ng mga museo at monumento ay naging isang hakbangin upang labanan ang pagpapabaya ng pamahalaan sa mga krimeng ito.

Omah Munir

Isa pang salaysay na naglalarawan kung paano naging isang entablado para sa aktibismo ang mga museo ay sa pamamagitan ng pagtatatag ng Munir Human Rights Museum sa Lungsod ng Batu, Malang, Silangang Java. Ilalarawan ko rito ang aking sariling pananaw bilang miyembro ng Omah Munir Foundation.

Magsisimula ito sa mga kuwento sa karumal dumal na paglabag sa mga karapatang pantao sa Indonesia tulad ng nangyari kay Munir Said Talib (1965-2004), isang kilalang Indonesian na abogado sa karapatang pantao na pinatay Setyembre 7, 2004 habang papunta siya sa Netherlands upang paglawakin pa ang kaniyang pag-aaral.  Bukod sa katotohanang ang repormasyon ay nagbukas ng gripong pulitikal para sa demokratisasyon sa Indonesia,  ang pagkamatay ni Munir para sa nakararami ang nagsilbing hudyat para magising sa katotohanang ang mga ipinamana ng dating rehimen ay malalim pa ring nakabaon sa kanilang buhay sa kasalukuyan. Ang paglilitis ng kaniyang kaso ay maaari lamang makapagpakulong sa mga fiel operators, ngunit ang mga pangunahing tauhan na  may matataas na  ranggong opisyales mula sa militar at intelihensya ay nanatiling malaya mulasa mga parusa. Nabalik muli ang pagkawala ng parusa sa kasong ito.

Noong 2013, kinausap ako ni Suciwati nang katatapos ko palang itatag ang isang museo ng pulis sa Indonesia. Nagpahayag siya ng kaniyang pagnanais na makapag tayo ng isang museo alang-alang sa kanyang asawa at ang pakikibaka para sa mga karapatang pantao sa Indonesia. Bahagya kong kilala ko si Munir.  Dati ko siyang katrabaho nang ako ay manilbihan sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Indonesian Legal Aid Institute. Nakita kong magandang ideya ang mungkahi ni Suciwati, nagbibigay ng kahalagahan sa museo bilang lugar ng pagprotesta, tulad ng makikita sa pagtatag ng Pambansang Museo ng Amerikanong Indian sa mga taon ng 1980 at ang kilusan ng karapatang sibil sa Estados Unidos (Kyle Message, 2013).

Ang tanong ay kung paano namin tutustusan ang plano? Napakamahal na proyekto ang museo kalakip ng pakikilahok ng mga arkitekto, inhinyero at mga mananalaysay at ito ay naging isang napakalaking paghahamon. Nanggaling ang unang solusyon mula kay Suciwati nagbigay ng bahay nila ng kanyang yumaong asawang si Munir sa Lungsod ng Batu, Silangang Probinsiya ng Java, bilang isang museo. Ito ay isang maliit na bahay na hindi hihigit sa 400 metro kuwadrado, kasama ang bakuran at gusali. Maliit man, ito ay may makabuluhang halaga sa kasaysayan at isang magandang batayan upang simulan ang hakbangin.

Sa kalagitnaan ng 2013, binalak ni Suciwati na magkaroon ng mas malawak na suporta. Naging laganap ang ideyang magtayo ng museo tungkol sa buhay ni Munir at ang kasaysayan ng pakikibaka para sa karapatang pantao sa Indonesia. Nakilahok ang mga batang aktibista, pati na rin mga artista at mga tanyag na tao sa media, kasama rito ang mga pulitiko at mga pampublikong opisyal na nakiramay kay Munir tulad nina Lukman Hakim Syaifuddin (na sa kalaunan ay naging Ministro ng Relihiyon) at si Dahlan Iskan, may-ari ng media network na naging Ministro ng State-Owned Enterprises.  Sa kalaunan, ang pagtatag ng museo ay nagbigay ng isang uri ng pakikipag-ugnayan sa isang mas malawak na grupo ng demokratikong kilusan sa Indonesia.

Ang proseso ng pagtayo ng museong ito ay tuluyang nagbukas ng daan sa pangangampanya para sa karapatang pantao sa Indonesia.  Ang mga taong dating malayo sa isyu ng karapatang pantao at demokratisasyon ay biglang nagsilitawan upang makibahagi sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang oras, lakas, at pondo sa isang pinagsamang proyekto. Tila kumatawan ito sa ideya ni Sidney Tarrow (2011) tungkol sa modular collective action kung saan pinagsasama-sama ang dati’y magkakahiwalay na iba't ibang bahagi sa iisang pinagsamang aksyon sa lipunang sibil.  Sa paglapit ng pagtatapos ng taon, ang gusali ng mueseo ay natapos, at ito ay opisyal na binuksan sa publiko sa ilalaim ng pangalang Omah Munir (literal na Munir's House) noong Disyembre 8, 2013.  Ang dating isang pangarap lamang, ay tuluyan nang naisakatupran.  Ang Omah Munir Foundation na binubuo ng mga nagpasimula ng museo sa kalauna’y itinatag para magsilbi sa pamamahala.

Ang Omah Munir ay isang proyekto na direktang humahamon sa opisyal at konserbatibong makasaysayang salaysay na patuloy na namamayani ng ilang dekada. Ang museo ay nagbigay ng karanasang sumasalungat sa nakatatag nang makasaysayang salaysay. Sa pagdating ng mga bisita sa museo, sasalubungin sila ng rebulto ng dibdib ni Munir na ipinagkaloob ng isang iskultor habang kasalukuyang ginagawa ang museo. Ang mga bisita naman ay sunod na ihahatid upang makita ang daloy ng mga makasaysayang salaysay na naglalahad tungkol sa pagsila sa kilusan ng karapatang pantao sa Indonesia sa pamamagitan ng  pagbuo ng YPHAM (Human Rights Care Foundation) at YLBH hindi katagalan matapos ang pagsilang ng New Order. Ang katotohanan na ang YPHAM ay isang organisasyon na aktibong nagtatanggol ng mga politikal na komunistang bilanggo at mga kampanya para sa hustisya ay humamon sa opisyal na salaysay tungkol sa tagumpay ng sandatahang panlupa sa pagsupil sa kilusang komunista.

Ang isa pang kuwento sa museo ay nagtatampok ng isang babaeng manggagawa, si Marsinah, na napatay sa isang interogasyon ng militar ukol sa kanyang kinalaman sa pamumuno ng labor strike.  Ang paglalahad ng kanyang kwento ay isa ring paalala para sa mga bisita tungkol sa tagumpay ng pag-unlad ng Indonesia na kinailangang bayaran ng pawis at dugo ng mga manggagawa. Ang ibang mga kwento ay nagbibigay pansin sa mga insidente ng karumal dumal na paglabag sa mga karapatang pantao sa Indonesia, tulad ng biglaang paglalaho ng ilang tao at mga pagpatay ng mga awtoridad na walang paglilitis o anumang makatarungang proseso sa Papua at Silangang Timor (na ngayon ay isang malayang estado). Kasama na rito ang personal na kuwento ni Munir at ang kanyang pinagdaanan sa buhay bilang isang tagapagtanggol ng mga karapatang pantao at pati na rin ang insidente ng pamamaslang sa kanya.

Magmula ng opisyal na pagbubukas nito noong Disyembre 8, 2013, ang Omah Munir ay nakatanggap ng mga bisita mula sa iba’t ibang karanasan at samu’t saring edad.  Ngunit ang mga mag-aaral sa unibersidad at mga batang mag-aaral ang may pinakamataas na bilang ng mga bisita.  Itinuturing nila ang kanilang pagbisita bilang bahagi ng proseso ng kanilang pagkatuto sa mga karapatang pantao sa mga paaralan at unibersidad.  Pagkalipas ng 5 taon, nakakamanghang isipin  na ang museo ay maaaring maging isang mabisang paraan para sa mga gawain sa pangangampanya para sa mga institusyon ng karapatang pantao upang itanim ang mahahalagang pangkalahatang kagawian ng mga karapatang pantao sa buhay-buhay ng mga mamamayang Indonesia.

Museo Munir ng Karapatang Pantao

Ang katotohanan na ang pagbibigay ng alternatibong diskurso sa konserbatibong makasaysayang salaysay ng isang maliit na museo tulad ng Omah Munir ay hindi mapagkakailang may limitado. Sa taong 2018, ang lupon ng pangasiwaan ng Omah Munir ay nagsimulang isaalang-alang ang kahalagahan ng paglalawig ng pakikipagtulungan sa pamahalaan upang mapagbuti at mapaunald ang museo ng Omah Munir sa mas pinalaking museo ng mga karapatang pantao pagdating sa gusali, imprastraktura, programa, at gayun din sa sistema ng suporta.  Ang hakbanging ito ay naging bahagyang matagumpay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dedikasyon ng pamahalaan na pondohan ang pagtatayo ng isang museo na ipinagkaloob ng Pamahalaang Probinsya ng Silangang Java, at ang lupa na ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Batu.

Bilang karagdagan, ang lupon ng pangasiwaan ay nagpahayag ng mas malawak na pakikipagtulungan sa iba pang mga elemento ng lipunang sibil.  May tatlong pangunahing gawain ito. Una, pakikipagtulungan sa Indonesian Architects Association (AAI) upang magsagawa ng paligsahan sa disenyo ng museo upang lumikha ng kamalayang pampubliko ukol sa kahalagahan ng museo sa mga karapatang pantao. Ang resulta ay isang kaaya-ayang disenyo ni arkitektong Achmad Deni Tardiyana (Apep) na maka-kalikasan at sensitibo sa pagkakaiba-iba. Pangalawa, ang Omah Munir Foundation ay nakipagtulungan din sa Jakarta Arts Institute sa pagganap ng isang kompetisyon sa paggawa ng mga likhang-sining na itatanghal sa museo.  Pangatlo, nagsagawa din ang Omah Munir ng pagpupulong sa mga aktibista sa kalikasan, mamamahayag, katutubong tao, taong may kapansanan at mga aktibistang kababaihan na nagnanais sumangguni tungkol sa pagtuklas ng mga posibleng salaysay at tema para sa museo.Ang mga napag-usapan sa pagpupulong ang nagresulta sa pangunahing isyu para sa pag-unlad ng pamamahala sa pagbuo ng museo.

Sadyang idinesenyo ang unang palapag para sa mga bata upang makilala nila ang mahahalagang kaugalian tulad ng pagpaparaya, kalayaan at pagkakapantay-pantay sa buhay pampubliko. Ang ikalawang palapag ay para sa kasaysayan ng mga karapatang pantao sa Indonesia na may mga paksa sa karumal dumal na paglabag sa mgakarapatan ng tao, ang kapaligiran, mga taong katutubo, kababaihan at kalayaan ng press tulad nang iminungkahi ng mga grupo ng panlipunang sibil sa Indonesia. Ang pinakahuling palapag ay ang mga kuwento ni Munir at kanyang mga simulain tulad ng kampanya tungkol sa mga nawawalang tao ay nasa ikatlong palapag na siyang huling kwarto para makapag isip-isip ang mga bisita tungkol sa mga isyu sa karapatang pantao sa Indonesia.

Ang mga gawain ng pakikipagtulungan sa pamahalaan ay hindi naiwasang makabuo ng mga tanong tungkol sa malayang pamamahala ng museo, lalo na sa isyu ng mga karapatang pantao. Makakatayo ba nang walang kinikilingan ang museo sa darating na panahon sa kasong karahasan sa karapatang pantao sa kasaysayan ng Indonesia?

Gayunpaman, may mga ilang pagbabagong naganap sa gitna ng prosesong ito. Ang una ay ang pagpalit ng pangalan ng museo sa Munir Human Rights Museum. Sa halip na magpahiwatig ng pagsunod sa opisyal na pananaw, nilayon nitong masakop ang mas malawak na isyu ng karapatang pantao sa Indonesia higit pa sa tema ng mga kuwento ng tagapagtanggol ng mga karapatan ng tao na ipinakita ng dating museo. Sa usaping kalayaan sa pamamahala ng museo, salamat na lamang at klima ng politika sa Indonesia ay nagbibigay pa rin ng puwang para rito. 

Ang pinakamasaklap na pangyayari ay maaari paring maganap sa hinaharap.  Ngunit isang bagay ang tiyak mula sa karanasang ito.  Naging mahalagang entablado ng panlipunang aktibismo para sa mga aktibista ng mga karapatang pantao at kilusang maka-demokrasya ang mga museo sa panahon ng pagbabago. Panahon lamang ang makakapagsabi kung ito ay isang mabisang paraan upang itanim ang kahalagahan ng pamantayan ng mga karapatang pantao sa kaisipan ng nakababatang henerasyon ng Indonesia.

Larawan 3: Board of Directors sa Munir Foundation at Alkalde ng Batu, Silangang Java pumirma ng memorandum.

Larawan 3: Board of Directors sa Munir Foundation at Alkalde ng Batu, Silangang Java pumirma ng memorandum.

Laban sa Pagkalimot: Mga museo at pulitikal na aktibismo sa Indonesia

Laban sa Pagkalimot: Mga museo at pulitikal na aktibismo sa Indonesia

Sanggunian

Adam, Asvi Warman (2004). Pelurusan Sejarah Indonesia. Yogyakarta, Penerbit Ombak.

McGregor, Katherine (2007). History in Uniform: Military Ideology and the Construction of Indonesia’s Past. ASSA Southeast Asian Publication Series. USA, University of Hawaii Press.

Message, Kyle (2014). Museum and Social Activism. Engaged Protest. Oxon, UK. Routledge.

Tarrow, Sidney G (2011). Power in Movement. Social Movements and Contentious Politics. New York, Cambridge University Press.