Kilusang Pinamunuan ng Komunidad sa Paggunita at Pagpapanatili ng Pagkakakilanlan ng mga Rohingya sa Myanmar
Tungkol sa May-akda: Raïss Tinmaung
Si Raïss Tinmaung ay mula sa Toronto, Canada at isa siyang Rohingya. Itinatag niya ang Rohingya Human Rights Network at naging tagapangulo nito. Nagsusulat din para sa midyang panlipunan at pang-produksyon at nagtayo ng mga lokal na sangay nito. Siya rin ay nanguna sa maraming kilusan, petisyon, at mga rally. Dati siyang namuno sa grupong kumakatawan sa mga Rohingya at nagbigay ng talumpati sa iba't ibang kaganapan, kabilang ang Canadian Parliament, Canadian Museum for Human Rights, Montreal Holocaust Museum, Musée national des beaux-arts du Québec, Independent Investigative Mechanism for Myanmar (IIMM), at sa International Court of Justice (ICJ). Karagdagan dito, siya rin ang pinuno ng yunit ng pangangalap ng pondo na nagbibigay ng mga kursong pang-edukasyon at pagsasanay sa trabaho sa Myanmar, Bangladesh, Indonesia, Malaysia, at Pakistan. Pangunahing tumutulong ito sa lokal na komunidad ng Rohingya at sa iba pa. Bukod dito, nagsagawa rin si Raïss Tinmaung ng pangmatagalang planong pamayanan sa Haiti, Ecuador, at South Africa.
Tungkol sa Rohingya Human Rights Network
Ang Rohingya Human Rights Network ay itinatag ng iba't ibang grupong sibiko na may kaugnayan sa mga Rohingya. Kabilang dito ang mga tagapagsalita, manunulat, at mga gumagawa ng dokumentaryo tungkol sa karapatang pantao ng mga Rohingya sa loob ng mga refugee camp at sa mga nasa nayon. Nakakatanggap ito ng suporta mula sa mga Rohingya na nagmumula sa iba't ibang lugar, at tulong mula sa mga iba't ibang ahensya.
Ang Network ay naghahayag ng mga ulat, gumagawa ng mga video ng pakikipanayam, dokumentaryo sa mga paksang karapatang pantao, nakikipagpulong sa mga mambabatas. Ito rin ay nagsusulong ng pagpirma sa mga petisyon, nakikilahok at nagsasagawa ng pampublikong talumpati at mapayapang pagtitipon. Sila rin ay nagsusulat sa media at nakikipagtulungan sa maraming grupong panlipunan.
Nangangalap, nag-eedit, nagpapahayag, at isinasahimpapawid ng Network ang mga problema kaugnay sa pamayanan. Gumagawa at ipinapalabas din nito ang mga video at ulat na may kinalaman sa kamalayan sa karapatang pantao, na karamihan ay gawa ng mga Rohingya na nakatira sa mga refugee camp at nayon. Nangangalap rin ito ng impormasyon mula sa mga nakaligtas sa iba't ibang lugar at kasalukuyang pinagsisikapan na ilagay ang mga dokumentong ito sa isang interaktibong website na eksklusibo para sa pagpapahayag ng impormasyong nauugnay sa karapatan ng mga Rohingya. (Hindi pa bukas sa publiko ang website.)
Kilusang Pinamunuan ng Komunidad sa Paggunita at Pagpapanatili ng Pagkakakilanlan ng mga Rohingya sa Myanmar
Paunang Salita at Background ng Kasaysayan
Ang mga Rohingya ay isang etnikong minorya na naninirahan sa rehiyon ng Rakhine [1] sa hilagang-kanlurang Myanmar mula pa noong ika-8 siglo. Sila ay pangunahing may lahing Silangang Indian [2], na nagiging dahilan kung bakit sila ay naiiba sa karamihan ng populasyon ng Rakhine o Myanmar, na may lahing Arakanese at Bamar ayon sa pagkakabanggit. Sila rin ay karamihang mga Muslim, bagamat may mga Hindu at Kristiyano sa kanilang hanay; kabaligtaran sa karamihang Buddhist na matatagpuan sa mga populasyon ng Arakanese at Burmese [3]. Sa kabila ng mga pagkakaibang etniko at relihiyon, matagal nang namuhay nang mapayapa ang mga Rohingya, Arakanese, Burmese, at iba pang etnikong minorya.
Pagkatapos ng kalayaan ng Myanmar o Burma noong 1948, ang mga Rohingya ay binigyan ng paggalang sa bansa sa lahat ng aspeto ng lipunan, ekonomiya, at pulitika. Mayroon silang mga programang ipinalabas sa mga pambansang radyo; nagkaroon ng mga samahan ng mga estudyanteng Rohingya sa Yangon University at iba pang kilalang institusyon ng edukasyon; at mayroon ding mga Rohingya na opisyal sa mataas na posisyon sa pampublikong serbisyo. Sa isang talumpati mula sa Bise-Hepe ng Estado ng Sandatahang Lakas ng Unyon ng Burma, sinabi ni Brigadier General Aung Gyi, ‘Ang mga Rohingya ay pantay at ganap na mamamayan at isang etnikong minorya na mahalaga sa Unyon ng Burma.’ [4]
Pagkatapos ng coup d'état sa Burma noong 1962, umigting ang tensyon sa mga etniko sa Rakhine pati na rin sa iba pang bahagi ng bansa. Noong 1978, sa pamamagitan ng isang kampanya na suportado ng estado kontra terorismo, 200,000 Rohingya ang pinalayas mula sa kanilang mga lupain at humingi ng kanlungan sa Bangladesh. Noong 1982, ang Burma Citizenship Act ang siyang nagdulot para sa mga Rohingya na mawalan ng estado sa isang iglap. Sa pagpapatupad ng batas sa pagkamamamayan, ang mga Rohingya ay naging target ng mga mapang-uring kasanayan na pinahihintulutan ng estado. Ang mga limitasyon sa pagkilos, pagkakaroon ng edukasyon, paghahanapbuhay, pamamahala ng negosyo o pagmamay-ari ng ari-arian nang walang takot sa sapilitang pagkakumpiska, pagkakaroon ng access sa pangangalagang pangkalusugan, pagkuha ng mga sertipiko ng kasal, o maging sa pagkakaroon ng mga anak ay naging mahirap para sa mga Rohingya. Ang mga arbitraryong pag-aresto, extorsion, detensyon, at extra-judicial na pagpatay ay naging karaniwan. Ang derogatoryong termino na “kalar” [5], na katumbas ng “nigger” sa konteksto ng African American, ay naging pangkaraniwang palayaw para sa mga Rohingya. Maging ang mga mongha at mataas na antas ng mga religious na tao ay nanawagan para sa pagpatay sa mga Rohingya [6], kaya’t ang mga social media sa Burma ay napuno ng mga post tulad ng “ipuno ang bibig ng kalar ng mantika ng baboy”, “alisin ang buong lahi”, “ibuhos ang gasolina at sunugin upang mas mabilis silang makipagkita kay Allah”, at iba pa. [7]
Ang mga kampanya ng karahasan at pagsunog na sinusuportahan ng estado sa mga nayon ng Rohingya ay nagdulot sa daan-daang libong tao na tumakas mula sa Myanmar upang humingi ng kanlungan sa mga refugee camp ng Bangladesh noong 1992, 2012, 2016, at 2017. Ang ‘Clearance Operation’ ng 2017 ay nagpasabog ng halos 400 na nayon, na katumbas ng kalahati ng lahat ng mga nayon ng Rohingya. Halos 850,000 Rohingya ang tumakas papuntang Bangladesh at ang mga nakaligtas ay nagkuwento ng mga hindi matanggap na horrors tulad ng mga batang nasunog nang buhay, mga babaeng ginahasa ng maramihan, at mga matatanda at may kapansanan na pinatay nang brutal. Noong 2019, ang gobyerno ng Burma ay dinala sa pinakamataas na hukuman ng UN, ang International Court of Justice, dahil sa paglabag nito sa Genocide Convention. Noong 2020, iniutos ng korte sa Myanmar na ‘gawin ang lahat ng mga hakbang sa loob ng kapangyarihan nito upang maiwasan ang lahat ng mga aksyon na saklaw ng Artikulo II ng Genocide Convention’ [8].
2020 ulat ng Reuters – Tatlong taon matapos umalis ang mga refugee, tinanggal ang mga bayan ng Rohingya mula sa mapa ng Myanmar.
Hindi Kinilala ng Myanmar Awtoridad ang Taong Rohingya
Ipinagkakaila ng Pamahalaang Myanmar ang pagkakaroon ng mga Rohingya at iginiit ang ganitong opisyal na pahayag matapos maipasa ang Burma Citizenship Act noong 1982. Isa-isang inimbestiga ng mga awtoridad ang mga pamamahay ng mga Rohingya sa Rakhine at kinumpiska ang mga dokumento sa pagkakakilanlan na inisyu bago ang 1982. Sapilitan nilang pinagawa ng kapalit na dokumento at katibayan sa pagkakakilanlan, at pinalitan ng ‘taga-Bangladesh’ ang tawag sa mga Rohingya. Noong 2019, kumatawan si Aung San Suu Kyi bilang tagapayong legal at ipinagtanggol ang pamahalaan ng Myanmar sa International Court of Justice (ICJ). Tinanggihan ni Aung San Suu Kyi at ng iba pang miyembro ng kumakatawang grupo ang paggamit ng ‘Rohingya’ at tinawag silang ‘mga illegal na migrante ng Bangladesh.’ [9]
Noong 2017, tinanggal ng General Administrative Department (GAD), ang opisyal na opisina sa pagmamapa ng pamahalaan ng Myanmar, ang pangalan ng mga sinunog at sinirang bayan ng Rohingya mula sa opisyal na mapa. Noong 2020, sumunod din sa pagbabago ang Myanmar Information Mapping Unit (MIMU) ng United Nations [10]. Sa huli, sumunod din ang Google Maps, Bing, Mapbox, Esri, at iba pang mga platform ng mapa, at tinanggal ang mga bayan mula sa kanilang mga mapa dahil ginawa nilang batayan ng opisyal na impormasyon sa geograpiya ang gobyerno ng Myanmar at ang departamento ng United Nations.
Hanggang sa kasalukuyan, tinanggal at inalis ang mga Rohingya mula sa kanilang sariling lupa. Masasabing ginawa ito ng mga may kapangyarihan sa Myanmar at ng mga lokal na radikal na Budista. Sa nakaraang 10 taon, nasunog at nasira ang mahigit sa kalahating mga bayan ng Rohingya, at malapit sa isang milyong tao ang lumisan sa kanilang mga tahanan. Kabilang dito ang libo-libong taong sumakay sa mga barko na ginagamit sa human trafficking, na nais tumakas papuntang Malaysia o Indonesia ngunit namatay habang dumaraan sa karagatan ng Andaman. Sa 3.5 milyong Rohingya sa buong mundo, 600,000 na lamang ang naiiwan sa Myanmar at may 130,000 ang namumuhay sa mga kampo sa loob ng bansa, na itinuring na 'Internally Displaced Persons.' [11] Hanggang sa ngayon, hindi pinapayagan ang sinuman sa Myanmar na gumamit ng salitang 'Rohingya.' Hindi lamang nanganganib ang pamumuhay ng tribong ito sa Myanmar, kundi pinagbubura pa ang kanilang pagkakakilanlan at makasaysayang alaala ng kanilang sariling bayan.
Pagbigay-alaala at Pagpapanatili ng Pagkilanlan ng Sarili
Upang mailigtas ang isang tribo na nanganganib na mawalan ng pagkakakilanlan, ang mga lupon ng mga grupo sa karapatang pantao ng mga Rohingya, kasama ang mga sibil na grupo ng Rohingya sa loob ng refugee camps sa Bangladesh at mga nakaligtas mula sa Myanmar, ay magkasamang gumawa ng inisyatibang mapanatili sa paraang digital ang lahat ng geograpiyang impormasyon ng mga bayan ng Rohingya. Nag-ipon sila ng iba't ibang uri ng impormasyon at larawan mula sa media bilang pagpapatunay sa katotohanan na naroroon ang mga Rohingya sa Myanmar. Naghahangad silang mahanap ang lahat ng mga katutubong tao upang ipunin at itala ang anumang dokumentong may nakasulat na may kinalaman sa alaala at pagkakakilanlan ng kanilang bayan. Isasagawa ang buong inisyatiba sa apat na bahagi.
Unang Bahagi: Gamitin ang opisyal na impormasyong pang heograpiya na nakatala sa sistema bago ang taon 2020 upang hanapin ang lahat ng bayan ng Rohingya sa loob ng Myanmar, kabilang ang impormasyon tungkol sa mga sinunog na bayan, at ilagay ito sa online database ng geograpiya.
Halimbawa ng impormasyon sa mapa kung saan nakamarka ang mga sinunog na bayan
Pangalawang Bahagi: Ipunin at itala ang mga dokumento ng bawat matatagpuang Rohingya na nagbibigay impormasyon sa mga bayan na maaaring gamitin sa mga pasilidad na sites of conscience sa hinaharap, tulad ng mga libingan, templo, paaralan, lalo na ang mga paaralang Islam (madrassa), klinika, botika, at iba pa.
Pangatlong Bahagi: Lipunin ang pangalan at kuwento ng bawat matatagpuang Rohingya, kabilang ang mga taong namatay sa pamumuksa.
Pang-apat na Bahagi: Idagdag ang mga nakalap na bagong impormasyon sa mga naitalang detalye ukol sa bawat bayan, at ibahagi ito sa mga Rohingya at mga grupo sa karapatang pantao sa buong mundo.
Maraming hamon ang haharapin sa bawat bahaging isinaad sa itaas. Dahil ang bawat gawain ay isasagawa at ipapatupad ng mga grupo sa lipunan, kinakailangan munang magsagawa ng pagsasanay para sa mga work staff sa pagrekord ng impormasyon. Sa yugtong ito pa lamang, kailangan ng mga propesyonal na magtuturo, mga kagamitan, pasilidad, at iba pang mga kinakailangan.
Hindi rin madali ang pagpapatupad ng mga inisyatiba sa loob ng refugee camp dahil sa mga karahasang nagaganap dulot ng kaguluhan ng mga gang at droga. Hindi istabilisado ang sitwasyon, at naging mahirap ang pagkalap at pagpapalaganap ng impormasyon sa loob ng maraming taon. Lalong mahirap ang pagpasok sa mga naiwang bayan ng Rohingya sa Myanmar. Matindi ang limitasyon sa pagkilos ng mga Rohingya dahil sa sistema na ipinapatupad ng militar ng Myanmar pagdating sa paghiwalay ng mga tribo ng Rohingya. Hindi sila maaaring dumalaw sa ibang bayan, kaya halos hindi maisagawa ang mga nais nilang gawin. Bukod dito, apektado rin ang mga Rohingya sa labanang armas ng militar at ng mga etnikong militante. Lubos na mahirap gawin ang pagdokumento ng sitwasyon ng karapatang pantao sa Myanmar.
Sa isang panig, nakakalat ang mga Rohingya refugee sa iba't ibang lugar sa mundo, kaya mahirap maabot ang lahat ng tao para sa pag-iipon ng impormasyon. Bukod sa Bangladesh, marami sa kanila ang nakatira sa Pakistan, Saudi Arabia, Malaysia, Thailand, at Indonesia. Dumadami rin ang mga pumupunta sa Amerika upang maghanap ng pagkakataong tumira, at mayroon ding mga nakatira sa North America, Europe, at Australia.
Sa wakas, ang kakulangan sa pondo ay nananatiling isa sa pinakamalaking hadlang upang matagumpay na maisagawa ang operasyon ng ganitong laki. Ang pagsasagawa ng operasyon na sumasaklaw sa buong populasyon ay isang napakalaking pagsisikap na nangangailangan ng isang workforce ng mga tauhan at boluntaryo na may bayad na allowance, mga kagamitan sa pagsasanay, kagamitan, at iba pa upang epektibong maisagawa ang kanilang trabaho. Kinakailangan din ang pondo upang ayusin ang nakolektang data at iproseso ito nang maayos para sa makabuluhang output.
Konklusyon
Ang inisyatiba ng komunidad ng Rohingya para sa pagmememorialize at pagpapanatili ng pagkakakilanlan ay magiging kauna-unahang pagsisikap na i-dokumento ang mga lugar ng konsensya at makasaysayang-kultural na kahalagahan ng mga Rohingya. Ang resulta nito ay magkakaroon ng napakalaking halaga para sa mga Rohingya mismo habang sila ay nagsusumikap na ipagdiwang ang kanilang mga orihinal na lupain, maghanap ng mga paraan upang mapanatili ang kanilang sariling pamana sa kultura at etnikong pagkakakilanlan.
Magkakaroon din ng napakalaking halaga ang output para sa pandaigdigang komunidad ng mga karapatang pantao dahil sa potensyal nito bilang isang kasangkapan para sa edukasyon at adbokasiya. Bukod dito, maaari rin itong maging kapaki-pakinabang sa mga pagsisikap sa pagbuo ng kapayapaan at repatriation para sa 1 milyong Rohingya sa mga refugee camp ng Bangladesh na nagnanais na balikan ang kanilang mga lupain sa Rakhine balang araw. Sa wakas, maaari rin itong maging kapaki-pakinabang sa mga mekanismo ng katarungan at pananagutan na maaaring gamitin ang ilang bahagi ng output upang simulan ang kanilang sariling mga espesyal na imbestigasyon.
Pinakamahalaga, dahil ang pagsisikap na ito ay pinamunuan at ipinatutupad ng mga Rohingya mismo, ito ay magiging isang pagsasanay sa pagpapalakas ng kakayahan ng komunidad at pagbibigay ng kapangyarihan. Kaya't magiging sanhi ito ng pagmamalaki at lakas para sa mga Rohingya ngayon at sa kanilang mga susunod na henerasyon.
[1] The Wall Street Journal < Isang Bahaging Kasaysayan: Rohingya Minoridad na Tribo ng Myanmar >
[2] Minority Rights Group - < Mga Moslem at Rohingya ng Myanmar >
[3] Harvard Divinity School – Pag-uulat sa Relihiyon at Pampublikong Kabuhayan < Sagupaan sa Myanmar >
[6] < Buddhist mongha sa Myanmar naglahad ng suporta sa militar > (foreignpolicy.com)
[7] < Bakit umatras ang Facebook sa pagtatalo ng mga salitang mapoot sa Myanmar > (reuters.com)


