:::

Kronika ng Katahimikan: Masidhing Pahayag ng mga Kababaihan ukol sa Sekswal na Karahasan na may Kinalaman sa Digmaan

VOW workshop sa Kathmandu, Nepal.

VOW workshop sa Kathmandu, Nepal.

Pagpapakilala sa May-akda – Pooja Pant

Si Pooja Pant ay isang prodyuser ng sine, aktibista sa karapatan ng kababaihan, video reporter, tagapagtatag, at direktor ng Voices of Women (VOW) Media. Ang VOW ay nakatuon sa paggamit ng multimedia at teknolohiya upang isulong ang mga karapatan ng kababaihan. Nagtrabaho si Pooja Pant sa maraming kumpanya sa midya sa iba't ibang panig ng mundo. Itinatag niya ang VOW sa Amsterdam noong 2007. Kamakailan lamang, nagtulak siya ng Final Take Films sa Kathmandu. Sa kasalukuyan, naninirahan si Pant sa Nepal.

 

VOW / Boses ng Kababaihan

Ang VOW Media ay naglalayon na itaguyod ang pamumuno ng mga feminista at magdulot ng pagbabago sa pagtrato ng lipunan sa mga babaeng kabataan at kababaihan upang likhain ang isang makatarungan at walang diskriminasyon na mundo. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng access at oportunidad sa midya, teknolohiya, sining, at edukasyon, layunin naming palakasin ang kaalaman at kasanayan ng bawat indibidwal upang ang mga kababaihan ay makapagpahayag ng kanilang sariling mga karanasan at magbigay kamalayan tungkol sa mga nakatagong at pinatahimik na isyu sa kanilang sariling komunidad. Ang VOW Media ay tinataguyod ng ideya na kapag ang mga kababaihan ay edukado, binibigyan ng oportunidad, pinalalakas ang kanilang mga kasanayan, ipinapahayag ang kanilang mga kwento, at mayroong sariling kalakal, nagkakaroon sila ng kaalaman at kumpiyansa upang labanan ang lahat ng kawalang-katarungan.

 


Kronika ng Katahimikan: Masidhing Pahayag ng mga Kababaihan ukol sa Sekswal na Karahasan na may Kinalaman sa Digmaan

VOW workshop sa Kathmandu, Nepal.

VOW workshop sa Kathmandu, Nepal.

Ang magpahayag ay isang karapatang pantao, at lahat ng tao ay may karapatang magsalita at marinig.

Ang Nepal ay nananatiling isang bansang may malakas na sistemang patriyarkal. Bagamat sa papel ay kinikilala nito ang mga karapatan ng mga kababaihan, patuloy pa rin itong binabagabag ng maraming isyu hinggil sa karahasan batay sa kasarian, kung saan ang seksuwal na karahasan ay isa sa mga ito. Ayon sa datos ng pulisya ng Nepal, may kabuuang 3,481 kaso ng seksuwal na karahasan ang iniulat sa taong piskal 2021/2022. Ayon sa Nepal Demographic & Health Survey (2016), 66% ng mga kababaihang biktima ng pisikal o seksuwal na pang-aabuso ay hindi humingi ng tulong o nakipag-usap sa sinuman hinggil sa kung paano maiiwasan o mapipigilan ang karahasan na kanilang naranasan.

Ilan sa mga pangunahing sanhi ng karahasan ay ang patriyarkal na ideolohiya, ang mapaglaganap na pananagutan sa lipunan, ang mga mapang-uring panlipunang kasanayan, at ang mahinang sistema ng imbestigasyon at seguridad ng mga kinauukulang awtoridad. Sa aming karanasan, natuklasan namin na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi iniuulat ng mga kababaihan ang sekswal na karahasan kanilang naranasan ay dahil sa kaakibat na kahihiyan, stigma, at paninisi sa biktima.

Noong 1996, sumiklab ang isang digmaan sa Nepal - ang naghaharing pamahalaan laban sa rebeldeng partido ng Maoist. Ang digmaan ay nangyari sa buong bansa, ngunit lalo na sa mga rural na lugar. Daan-daang kababaihan, karaniwang mahirap at mula sa mga marginalized na komunidad, ang nagdusa ng seksuwal na karahasan sa panahong ito. Nagdulot ng maraming pinsala ang hidwaang ito sa maraming batang babae at kababaihan, na galing sa iba’t ibang probinsya ng Nepal. Ginamit ng magkabilang panig ang panggagahasa at seksuwal na karahasan bilang kasangkapan ng digmaan upang parusahan ang bawat isa. Ang mga taon sa Nepal ng patriyarkiya at kawalan ng hustisya ang siyang nagdudulot sa mga nagkasala na patuloy na hindi maparusahan at ang mga biktima na hindi makikilala at mapansin. Ang mga nakaligtas mula sa karanasan ay hindi lamang nahaharap sa pinsalang mental, emosyonal, at pisikal kundi pati na rin sa stigma ng lipunan na siyang nagiging balakid upang sila ay magsalita o malayang magbahagi ng kanilang mga kwento.

Naranasan ng mga kababaihan at batang babae sa Nepal ang pangmamaliit at pagkawala ng kapangyarihan sa iba't ibang antas kahit bago pa man magsimula ang digmaan. Ang kanilang lahi, mga paniniwala, pagiging depende sa pinansyal, at ang pagiging babae ang nakadagdag sa kanilang kahinaan. Ang mga kahinaang ito ay lalo pang lumalala noong panahon ng digmaan. Partikular na, ang sekswal na karahasan ay nananatiling isang napakasama, may stigma, at hindi kinikilalang pamana ng sampung-taong armadong tunggalian sa Nepal mula 1996 hanggang 2006.

Isang batang mag-aaral si Maya sa isang maliit na nayon sa kanlurang bahagi ng Nepal. Madalas niyang makita ang ilang mga militar na naglalagi sa daan mula sa kanyang bahay hanggang kanyang paaralan. Isang araw siya ay naghugas ng pinggan sa labas ng kanilang bahay pagkauwi galing eskelahan. Nagtratrabaho sa bukid ang kanyang magulang ng mga panahong iyon nang may dumating na dyip sa kanilang bahay, lulan ang mga sundalong militar at hinahanap ang kanyang ate. Nang malaman na wala pa ito sa kanilang bahay, dinala siya ng mga ito sa loob ng bahay, isinara ang pinto at bintana at isa-isa siyang ginahasa. Sampung taon gulang pa lamang siya noon. Hindi nagsabi kanino man si Maya tungkol sa pangyayaring ito. Hindi niya masabi ito sa kanyang magulang at maging sa kanyang ate. Mula sa araw na iyon, hindi na siya muling nag-aral. Wala rin siyang nakuha na kahit anumang uri ng kabayaran ukol rito.

VOW workshop sa Kathmandu, Nepal.

VOW workshop sa Kathmandu, Nepal.

Noong Nobyembre 2006, matapos ang digmaan, nilagdaan ng nagkaalitang partido ang isang Komprehensibong Kasunduan sa Kapayapaan (CPA) na siyang nagwakas ng kaguluhan. Ipinagtibay ang isang pansamantalang konstitusyon noong 2007 at isang bagong konstitusyon noong 2015. Maraming reporma ang ginawa sa konstitusyon upang protektahan ang mga kababaihan at etnikong minorya. Nilikha ang National Action Plan (NAP) upang tugunan ang mga isyu pagkatapos ng digmaan at itinatag ang dalawang komisyon. Gayunpaman, wala itong pagbanggit sa pang-aabuso sa sekswalidad o panggagahasa sa digmaan. Ang mga biktima ng pang-aabuso sa sekswalidad ay hindi kasama sa unang NAP. Lampas na sa 15 taon mula nang lagdaan ang CPA at halos walang pananagutan para sa karamihan sa mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari sa mga taong iyon. Ilan sa mga biktima ay nakatanggap ng ilang uri ng pinansyal na tulong - 100,000 rupees para sa ilang mga miyembro ng pamilya ng mga nawawalang tao. Karamihan sa iba pang mga biktima, kabilang ang mga nabiktima ng CRSV, ay wala pang natatanggap. Patuloy pa ring nagiging dahilan ang kawalan ng pananagutan para sa CRSV sa pagtaas ng karahasan sa sekswalidad sa Nepal, kung saan ang mga pumapatay tulad ng sa kaso ni Nirmala Pant ay hindi napaparusahan.

Sa kapaligirang napupuno ng paninira’t kahihiyan, pagbubukod at pagtatahimik, sinimulan ng VOW ang isang mahalagang gawain – itala ang kwento ng mga tao sa kalagitnaan ng tunggalian. Ginamit namin ang multimedia bilang kasangkapan sa pagkukwento, ipinakita ito sa buong bansa at maging sa ibang bansa, at nagsimula ng pag-arkibo ng pagkawala ng tao dahil sa digmaan. May mahalagang papel dito ang VOW – gamit ang mga litrato, dokumentaryo at pagpapahayag ng kwento upang maipakita ang naranasan ng mga kababaihan sa pagsasalungat. Sa kalagitnaan ng pagtatala sa mga karahasang sekswal na may kaugnayan sa tunggalian, napagtanto namin na hindi maaaring isapubliko ang madaming kwento. Dahil walang makitang pulitiko na may nais lutasin ang problema, pinili ng mga kababaihan na manatiling tahimik. Alam rin nila na kapag may nagsalita ukol sa maselan na paksang ito, kailangang humarap sa presyon mula sa publikong opinyon. Isang suliranin na laging problema para sa mga aktibista sa karapatan ng babae ay ang paghahanap sa mga kababaihang magbabahagi ng kanilang naranasan.

Isang 24 taong gulang na ina si Lina, na may dalawang anak na lalaki. Panakanakang nagtratrabaho ang kanyang asawa sa India. Isang gabi, dumating sa kanilang bahay ang ilang Maoist. Hindi ito kakaiba noong panahon iyon. Madalas nagtatago ang mga Maoist sa mga bahay bahay sa nayon, kung saan sila ay pinapakain at pinagpapahinga. Ang sabi nila kay Lina, may pagtitipon na idaraos sa susunod na gabi at kailangan ito dumalo. Ito rin ay karaniwan noong panahong iyon. Sa sumunod na gabi, sumabay si Lina sa mga Maoist at naglakad patungo sa kalapit na nayon. Nang mapadaan sila sa isang kagubatan, ginahasa si Lina ng mga Maoist sa isang kulungan ng mga baka. Pagkatapos, nagtakbuhan sila at iniwan si Lina roon. Gulung-gulo ang isip, bumalik si Lina sa bahay nila at ikinwento ang nangyari sa kanyang mga kapamilya. Nang umuwi ang kanyang asawa, sinabi niyang muli ang kanyang naranasan. Sinisi siya ng kanyang asawa at iniwan sampu ng kanyang mga anak. Mula noon, hindi na niya nakitang muli ang asawa at mag-isa niyang pinalaki ang dalawang anak. Hanggang ngayon, wala pa siyang natatanggap na anumang uri ng kabayaran.

Halos dalawang dekada matapos ang mga insidenteng ito, habang nagdodokumento ng mga kwento ng digmaan, nakilala ng VOW Media ang ilang mga kababaihan na labis na nagnanais na ibahagi ang kanilang mga kwento na may pag-asa na ang kanilang mga kwento ay magagamit upang ipaglaban ang mga isyu na kanilang hinaharap. Gayunpaman, hinaharap namin ang pagsubok ng pagsasalin ng kanilang mga kwento habang nananatiling anonimo sila. Pinili naming gamitin ang anyo ng malikhaing pagsusulat upang ibahagi ang kanilang mga kwento at isinagawa ang isang linggong workshop sa pagsusulat ng tula kasama ang labing-isang biktima ng karahasan sa sekswalidad kaugnay ng digmaan; sina Rina at Maya ay dalawa sa kanila. Ang mga kwento at tula na lumabas pagkatapos ng masusing workshop kasama sila ay nagsalaysay ng patuloy na stigma na kanilang kinakaharap, ang kawalan ng pag-asa at galit na kanilang tinitiis, at ang kanilang determinasyon na maghanap ng katarungan sa kabila ng lahat ng mga pagsubok. Sa mga salita ng kanilang tagapagpatupad ng workshop sa pagsusulat ng tula, "Naging mga makata sila na may layunin."

Naniniwala kami na ang pagbibigay ng lugar sa mga kababaihan upang makapagsalita, magbahagi ng kanilang mga kwento, lumikha ng isang ligtas na lugar kung saan hindi sila huhusgahan ngunit susuportahan ay makakatulong sa kanilang kolektibong paghilom. Bilang pagsasaalang-alang rito, nais kong ibahagi dito ang isang tula.

Petsa, araw, oras, aking natatandaan pa rin

Ngunit ang nangyari sa araw na iyon

Ay mabuting nakaukit sa aking isipan

Hindi ko malilimutan ang araw na iyon.

 

Masaya kong naglalakad sa kalsada, papunta sa aking mga magulang

Hindi lamang isang beses, kundi maraming beses,

Ganoon din noong araw na iyon, naglalakad akong walang kamalay-malay sa  kung 

anong meron ang hinaharap

Ang daang iyon – ang lagusan sa kagubatan papuntang nayon

Ay matagal nang nawala,

Ngunit hindi ko ito malilimutan.

 

Isang magandang lawa sa tabi ng kalsada ang tahimik na saksi.

Sa lawang iyon,

Ako ay naglaro ng tubig,

Nagtampisaw pa nga,

Ngunit ngayon, hindi ko na ito maaring tingnan.

 

Isang sariling gawa na damit pantulog, may asul at luntiang bulaklak

Pagkasaya-saya nang itinahi

Siyang naglulan ng aking poot at pighati habang pinunitpunit at itinapon

Isang beses ko lang naisuot ang damit pantulog na iyon

Ngunit hindi ko malilimutan kailanman.

 

Hindi, hindi ko malilimutan ang lahat ng ito.

Kapag bumabalik sa akin ang lahat ng nangyari,

Ang tibok ng aking puso ay patuloy na bumibilis

Sa takot at galit,

Ang aking mga balahibo ay biglang nagsisitayo.

Sa katahimikan, ako'y nalulunod ng mga luha,

Hindi, hindi ko malilimutan ang lahat ng ito.

 

Ang eksibisyon ng Chronicles of Silence ay naganap sa Russian Culture Center, Kathmandu, Nepal, noong Setyembre 26, 2019.

Ang eksibisyon ng Chronicles of Silence ay naganap sa Russian Culture Center, Kathmandu, Nepal, noong Setyembre 26, 2019.

Ang eksibisyon ng Chronicles of Silence ay naganap sa Russian Culture Center, Kathmandu, Nepal, noong Setyembre 26, 2019.

Ang eksibisyon ng Chronicles of Silence ay naganap sa Russian Culture Center, Kathmandu, Nepal, noong Setyembre 26, 2019.

Noong 2019, inilabas ng VOW Media ang isang aklat ng kanilang mga tula na "Chronicles of Silence." Kasama ng isang pansamantalang eksibisyon at isang kolaborasyon kasama ang apat na iba pang Nepali na makatang aming pinagtulungan upang ipaglaban ang kahit na kaunting katarungan para sa mga kababaihan na may tapang na sumulat ng mga tula na ito at marami pang iba tulad nila na hindi pa namin kilala. Maraming mga aktibista sa karapatang pantao at mga lider ng mga biktima ng digmaan ang nagtrabaho nang sama-sama sa mga taon bago nagdesisyon ang gobyerno na magtrabaho sa ikalawang NAP. Ito ang unang pagkakataon na tinanggap ng gobyerno ng Nepal na may nangyaring pang-aabuso sa sekswalidad sa Nepal. Sa ilalim ng pamumuno ng Kagawaran ng Bahay sa Nepal, opisyal nilang ipinaalam na hindi nasulusyunan ang pang-aabusong sekswal sa nakaraan at kasama ang mga lider ng biktima, sila ay magtutulungan upang lumikha ng mekanismo para lutasin ang pang-aabusong sekswal sa panahon ng digmaan. Ginawang obligado ng ikalawang NAP ang pakikilahok ng mga biktima ng digmaan sa pagbuo ng mga komite sa lokal na antas na pagkatapos ay magtatrabaho sa implementasyon ng mga plano. Ang kasalukuyang gobyerno ng Nepal ay nagtatangkang ipasa ang isang TJ bill na may bagong mga pagbabago na magbibigay ng reparasyon sa mga kababaihan na nakaligtas sa trahedyang ito. Sa kasalukuyan, maraming mga organisasyon, mga lider ng biktima ng digmaan at mga aktibista ang nagtatrabaho upang lumikha ng mga komite na maaaring magtampok ng mga isyu at, sa hinaharap, magbigay ng kaunting ginhawa sa pinansya at isang anyo ng katarungan sa mga kababaihang pinatahimik noong nakaraan. Ito ay isang malaking tagumpay para sa mga kababaihan at isang pag-asa para sa hinaharap.

Paglulunsad ng aklat na Chronicles of Silence, 2019.

Paglulunsad ng aklat na Chronicles of Silence, 2019.

Paglulunsad ng aklat na Chronicles of Silence, 2019.

Paglulunsad ng aklat na Chronicles of Silence, 2019.